Advertisers
SINABI ni Bureau of Corrections (BuCor) Officer-in-Charge Gregorio Catapang na ipagigiba niya ang pader na itinayo ni suspended BuCor chief Gerald Bantag sa kalsada sa loob ng New Bilibid Prison.
Matatandaang naapektuhan ang mga residente sa naturang lugar sa Muntinlupa City dahil sa ipinatayong pader.
Ayon kay Catapang, bibinigyan niya ng pagkakataon ang mga tao sa naturang kalsada na makadaan at titiyakin na hindi nito masasakripisyo ang seguridad sa NBP.
Matatandaan na inirason ni Bantag noon na ginagamit ang kalsada sa mga iligal na aktibidad sa loob ng Bilibid kaya niya ito pinalagyan ng harang na pader sa kalsada ng NBP Reservation at nakaapekto sa mga residente ng Katarungan Village.
Sisiguruhin ni Catapang na magpapatupad sila ng maayos na sistema upang magamit ang kalsada ng mga residente kabilang na ang mga guro at estudyante.
Isa sa naiisip nilang posibleng sistema ang tukuyin ang mga taong maaari lamang dumaan sa lugar.
Ipinagpasalamat naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang hakbang na ito ni Catapang.
Matatandaan na noong Nobyembre 2021 ay nagkaroon ng tensiyon sa lugar nang gibain ng mga residente ang pader na itinayo ni Bantag dahil hindi ito dumaan sa konsultasyon sa mga tao, maliban sa wala pa itong permit.