Advertisers
APRUBADO na ng Bicameral conference committee meeting ang consolidated version ng proposed 2023 national budget kalakip dito ang reconciled version ng Kamara at Senado.
Ang naturang bersyon ng badyet ay ipapadala sa plenaryo ng dalawang kapulungan kung saan nakatakdang ratipikahan ng mga miyembro nito.
Kabilang sa napagkasunduang probisyon ang pananatili sa P150 milyong confidential and intelligence fund ng DepEd na una nang tinapyasan ng Senado ng P30 milyon.
Ayon kay Senate Finance Chair Senator Sonny Angara, kakailanganin ng nasabing ahensiya ang pondo upang palakasin ang ilang mga programa at para sa kinabukasan ng mga kaba- taan.
“Yung sa DepEd, naibalik po yun. Pero yung sa ibang agencies po na tinapyas po ng Senado, hindi na po naibalik yun…Yes. It’s back to P150 million,” wika ni Angara.
“That’s the decision of the House kasi mahirap na ang mga kabataan natin nare-recruit sa maling mapuntang landas so we want the DepEd to spearhead… We want them to secure the future of our children,” sabi naman ni House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co.
Ayon kay Angara, sa 2023 proposed national budget may mga programa na nabawasan ng pondo pero may mga iba na nadagdagan gaya ng programa sa edukasyon, infrastructure projects at iba pa.
Nadagdagan din ang pondo ng DOJ at DILG.
Ang nabawasan ay ang mga special funds.
Samantala, kinumpirma naman ni Co na ibinalik nila ang tinapyas na pondo ng NTF ELCAC.
Sa kasalukuyan, balik sa P10 bilyon ang pondo ng task force para sa 2023 proposed budget.
Una nang tinapyas ng Kamara ng P5 bilyon ang pondo ng NTF ELCAC.
Sinabi ni Co na kakailanganin ng task force ang nasabing pondo para sa mga development projects sa mga malalayong barangay.
Nagawa ng komite na i-reconcile ang Senate and House’s versions ng panukalang pambansang pondo sa loob lamang ng halos dalawang linggo. (Mylene Alfonso)