Advertisers
BNIGYAN ng sanction ng US Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) si ‘Kingdom of Jesus Christ’ (KOJC) founder/pastor Apollo Carreon Quiboloy kaugnay sa mga hinihinalang human rights abuse.
Ayon sa US governement, lahat ng ari-arian ng nasasakdal sa US ay haharangin o iba-block at kikilalaning pagmamay-ari ng US Treasury Department.
Ipinagbabawal narin sa lahat ng US citizen ang pagkakaroon ng transaction at pagtanggap sa kahit na anong property mula kay Quiboloy, maging ang pagbibigay ng kahit na anong uri ng kontribusyon kungsaan maaaring makinabang si Quiboloy.
Ayon sa US Department of Treasury, kabilang si Quiboloy sa 40 indibidwal na makatatangap ng sanction dahil sa pagkakasangkot at koneksyon sa korapsyon at human rights abuses.
Sinabi rin ng OFAC na nang-abuso si Quiboloy ng human rights gaya ng ‘physical abuse’ at pananamantala sa mga batang babae edad 11 anyos pababa.
Bukod dito, sangkot din si Quiboloy sa ‘sex trafficking pastorals’ o mga batang babae sa KOJC na nagtatrabaho bilang personal assistant niya.
Nasakdal si Quiboloy November 2021, at kasalukuyang nasa ‘wanted list’ ng FBI.
Tinawag naman ng kampo ni Quiboloy na ‘outrageous’ at ‘utter politics’ ng US Government ang inihaing patung-patong na sanctions laban sa kanya, at 40 iba pang indibidwal.
Sinabi ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Manny Medran na pawang alegasyon pa lamang ang ginawang dahilan ng US Treasury sa pagpataw nila ng sanctions sa pastor.
Paliwanag ng isa pang abugado na si Atty. Michael Jay Green, hindi pa dinidinig ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy, pero tila ay ‘convicted’ na ang tono ng press release ng US Treasury Office.
Binatikos din ni Green si US President Joe Biden at sinabing tila wala nang ‘presumption of innocence’ sa ginawang mga desisyon ng Treasury.
Sa huli, aminado si Green na wala na silang magagawa pa sa sanctions dahil wala na aniyang legal remedies para rito.