Advertisers
ISA pang panibagong kaso ang kakaharapin ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag nang paratangan ito ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, Jr. na nagbulsa ng P300 milyong bahagi ng P1 bilyong proyekto ng ahensya.
Ito ang ibinunyag ni Catapang sa panayam nitong Huwebes. Aniya, naglaan ang gobyerno ng P900 milyon para sa pagpapatayo ng mga bilangguan sa Leyte, Davao at Palawan bilang bahagi ng decongestion plan ng BuCor.
Bukod dito, naglabas din ang pamahalaan ng dagdag na P100 milyon para makumpuni ang Correctional Institution for Women.
Paliwanag ni Catapang, bayad na ang 95 porsyento ng proyekto. Pero 60 porsyento lang ng proyekto ang natapos.
Inumpisahan, aniya, ang pagkukumpuni at pagpapatayo ng gusali ng bilangguan noong 2020 at matatapos sana sa Agosto 2022.
Aniya, ‘dinoktor’ din ang dokumento ng proyekto batay na rin umano sa kautusan ni Bantag upang palabasin na tapos na ito.
Kamakailan, sinabi ni Catapang, sasampahan niya ng plunder si Bantag bago matapos ang 2022 o sa unang bahagi ng 2023 hinggil sa ‘di natapos na proyekto.
Sinuspindi si Bantag nang isangkot sa pagpatay kay Cristito Villamor alyas Jun Villamor, ang “middleman” sa pamamaslang sa veteran journalist na si Percival “Percy Lapid” Mabasa sa Las Piñas.
Namatay si Villamor habang nakapiit sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Oktubre 18 ilang oras matapos lumantad sa publiko ang self-confessed gunman (Joel Escorial) at sinabing ang una ang nag-utos sa kanyang grupo na patayin si Mabasa.
Itinanggi naman ng abogado ni Bantag na si Rocky Balisong ang alegasyon ni Catapang, sinabing haharapin nila ang usapin sa tamang lugar.
Pinabulaanan din ni Balisong na may sinaksak na mga bilanggo si Bantag.