3 SCREENING OFFICERS NG OTS, NAGPAKITA NG KATAPATAN SA DALAWANG PALIPARAN
Advertisers
NAGKAMALI man at ‘nasilaw’ sa kinang ng salapi ang ibang empleyado ay mayroong din naman tapat sa kanilang tungkulin na ipinakita ang tatlong Security Screening Officer (SSO) ng Office for Transportation Security (OTS) matapos na isauli nila ang naiwang bag at mahahalagang gamit ng dalawang pasahero, ilang sangdali bago umalis mula sa magkakahiwalay na paliparan sa Davao International Airport (DIA) at Caticlan International Airport (CIA) patungong Maynila.
Sinabi ng tagapagsalita ng OTS na si Kim Marquez na natagpuan ni SSO Joben Gamis ang isang bag na naiwan ng papaalis na pasahero patungong Maynila sa checkpoint ng security screening noong Marso 2, 2023.
Ayon kay Marquez, ang bag ay pag-aari ni Tamaque Taro, pasahero ng Philippine Airlines flight PR 1812.. Ito ay naglalaman ng kabuuang 212,000 yen o katumbas ng humigit-kumulang P86,000, susi ng kotse, jacket, sinturon, tsinelas, tsokolate, at charger ng mobile phone nang suriin ng OTS, PNP-Aviation Security Group at iba pang opisyal ng airport.
Nabatid sa ulat na tinangka ng airport personnel na tawagan sa Public Address system ang dayuhan ngunit walang tumugon sa panawagan dahil nakasakay na ang pasahero sa eroplano patungong Maynila kaya’t nakipag-ugnayan na lamang ang mga otoridad upang maibalik sa kanya ang naiwanan na bag.
Samantala, nagpakita naman ng katapatan sina SSO’s Jeanalyn Alejandro at Mhay Raga na nakatalaga sa Caticlan International Airport (CIA) makaraang makalimutan ng isang hindi kilalang pasahero ang isang gintong bracelet na naiwan nito sa final security check-point.
Sinubukan ng mga tauhan ng OTS na tawagan sa ‘paging system’ ang may-ari ng bracelet ngunit walang naging tugon. Ang gintong pulseras ay ibinigay sa security-in-charge para sa pag-iingat hanggang sa ito ay makuha at ma-claim ng pasahero. (JOJO SADIWA / JERRY TAN)