Advertisers
Nasampahan ng mga kaulangang reklamo ang mga tauhan ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnulfo “Arnie” Teves Jr., na nahuli nang mag-raid ang Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) sa tahanan ni Cong. Teves.
Ayon kay CIDG Director BGen Romeo Caramat, reklamong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Law on Explosives ang isinampa laban kina Jose Pablo Gimarangan at Roland Aguisanda Pablio.
Habang paglabag sa RA 10591 naman ang isinampang reklamo laban kay Hannah Mae Sumerano na Secretary ni Cong. Teves, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan, at Joseph Kyle Catab Maturan.
Nabatid na nandoon ang anim na akusado sa mga bahay ni Teves nang marekober sa kanila ang samu’t saring mga baril, bala at pampsabog.
Samantala, sinabi naman ni Caramat na sasampahan din nila ng reklamo si Congressman Arnolfo Teves Jr., ng paglabag sa RA 10591 at RA 9516 kahit wala ito sa bansa ng isinagawa ang raid.
Kakasuhan din sina Kurt Mathew Teves, at Axel Teves na mga anak ni Congressman Teves dahil sa paglabag sa RA 10591 at RA 9516.
Isinagawa ang mga raid sa limang magkakaibang address sa Basay at Bawayan City sa Negros Oriental noong Biyernes.
Nauna nang inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos na nagkasa ang mga pulis ng raid para maghanap ng illegal firearms.
“Following the said operation, on Sunday (March 12, 2023), the CIDG presented the arrested persons for inquest proceedings before the State Prosecutors of the Department of Justice,” anang CIDG.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang mga naarestong indibidwal.
Kasalukuyang nasa ibang bansa si Rep. Teves. Pinangalanan siyang respondent sa kasong inihain ng CIDG kaugnay ng ilang pagpatay sa Negros Oriental noong 2019.