Advertisers

Advertisers

ANOMALYA SA OIL SPILL, DI NA DAPAT MAULIT

0 857

Advertisers

YAMAN din lamang at nakisawsaw na ang Kongreso at Senado sa pag-iimbestiga kung sinu- sino talaga ang dapat na managot sa naganap na malawakang oil spill sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro, ay kailangang tutukan na din ng dalawang kapulungan ang pagbibigay ng bayad-pinsala sa maraming mamamayan na naapektuhan ng walang kapantay na polusyong naganap sa ating karagatan.

Hindi na dapat maulit pa ang naunang dalawang anomalya sa oil spill na nangyari sa Batangas may ilang taon na ang nakararaan, kung saan ay iilan lamang na mga korap na pulitiko, coastguard official at mapagsamantalang shipping firm agent ang naging instant millionaire mula sa salaping dapat sana ay ukol para sa mga nasalantang mamamayan.

Paalala sa mga miyembro ng Makabayan Block ng Kongreso at maging sa mga Senador na nagsusulong ng pagsisisyasat para papanagutin ang mga responsable sa pagkakaroon ng walang kapantay na mapaminsalang polusyon sa tinatayang mahigit na 2 milyong mga mamayan ng buong rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan), bahagi ng CALABARZON area lalo na ang Batangas, Cavite at Quezon at ilang bahagi ng Kabisayaan, kailangang hindi lamang ang may-ari at management ng M/T Princess Empress ang managot dito,, kundi maging ang ilang opisyales ng MARINA at Philippine Coastguard (PCG).



Napakaraming tanong ang dapat sagutin ng kapitan ng 508 GRT (Gross Register Ton) M/T Princess Empress at shipping management na RDC Reield Marine Services, MARINA at PCG. Unang-una ay kung bakit nakapaglayag ang naturang tanker vessel na expired ang CPC at kung paanong nakapaglulan ito ng may 900,000 litro na industrial fuel na kung pakasusuriin ay may bigat na mahigit 900 tons.

Ayon kay Coasguard Spokesperson Vice Admiral Armand Balillo, hindi daw overloaded ang M/T Princess Empress nang ito ay abutin ng di naman kalakasang unos sa laot ng karagagatan ng bayan ng Naujan noong Ferbruary 28, 2023. Nagpapatawa yata si Balillo?



Nitong mga nakaraang araw, maging ang opisyal at kawani ng tanggapan ng Enforcement Division ng MARINA ay tikom ang bibig hinggil sa mga opisyal na datus at dokumento ng lumubog na motor tanker.

Makabubuti siguro sa mga honorable ng Kongreso at Senado na isalang sa imbetigasyon maging sina Balillo at ang iba pang matataas na opisyales ng PCG at MARINA para maiwasan ang posibleng pagtuturuan ng naturang mga port official kung sino nga talaga ang may pananagutan sa naganap na oil spill.



Kailangang matigil na din ang pag-aabo-abogadohan ng ilang pulitiko at port authorities pabor sa management ng naturang motor tanker na nakatitiyak na maghahanap din ng kanilang padrino sa hanay ng MARINA, PCG at PPA upang kung di man mapawalang sala ay mapagaan ang kanilang liabilities sa pagbabayad ng pinsala sa mga mamamayang nagugutom at nawalan ng hanapbuhay.

Paalala pa din sa ating mga honarable na huwag sana silang pasisilaw sa kinang ng salapi pagkat hindi lamang milyones kundi bilyones na halaga ang nakataya sa naturang usapin.

Sa pagtataya, bihira lamang marahil ang nakakaalam na pinagkakitaan na ng ilang pulitiko, opisyales ng Coastguard, MARINA at Philippine Port Authority (PPA) ang mga nangyayaring oil spill lalo’t sangkot ay ang mga local at foreign registered shipping vessel.

Sa katunayan noong 2010 dalawang magkakasunod na oil spill ang nangyari sa Batangas- ang una ay sa karagatan ng Nasugbu, nang ang Singaporean- registered barge na Trans 306 ay tumagilid sanhi ng malakas na alon sa may Fortune Island passage at ang mga kargamento nitong coal na may 8,000 mertic tons buhat sa Kalimantan, Indonesia na idedeliber sa Maynila ay sumambulat sa karagatan ng nasabing bayan.

Ang coal pollution ay kumalat sa karagatan ng Nasugbu, Lian, Balayan, Calatagan, Tuy, Mabini, Tingloy at iba pang mga lugar kaya’t ang barge na minamanduhan ng Master Mariner Yen Pinu Ambat ay dinetine ng Batangas Coastguard sa Port of Batangas City at habang nasa angkorahe ay binantayan ng mga tauhan ng PPA na may sophisticated na kagamitan para magmanman ng 24/7 habang nag-iimbestiga ang Sangguniang Panglalawigan ng Batangas.

Napagpasyahan ng Sangguniang Panglalawigan ng Batangas na pagbayarin ng danyos ang management ng nasabing barge ng milyones na bayad-pinsala, ngunit habang nakabinbin sa Batangas Port Anchorage ay pinatakas ang naturang barko kaya’t ang salaping dapat ay ibayad sa mga napinsalang mangingisda at magsasaka ay biglang nawala. Wika nga, kwarta na ay naging bato pa.

Ang ikalawang oil spill ay naganap noon ding nasabing taon nang ang may sampung ocean-going na barkong nasa lay-up area sa Balayan Bay ay napasok ng operasyon ng sindikatong paihi o buriki.

Umawas mula sa barko ang mga petroleum product na isinasalin sa barge na pag-aari ng sindikato kayat ang langis at diesel product ay tumapon sa karagatan ng Balayan na kumalat sa dagat ng halos lahat na munisipalidad ng 1st District ng Batangas.

Napagtakpan naman ang oil spill ng ilang opisyal ng Coast Guard, shipping firm agent at LGUs. Pinatakas din ang barko. Putok ang balitang pinagkitaan ng milyones ang oil spill at naging instant millionaire din ang ilang CG official, shipping firm agent at LGU.

Hindi na dapat maulit pa ang mga naunang anomalya sa oil spill. Di pa naman huli ang lahat para kalkalin na din ng Kongreso at Senado ang naunang dalawang anomalya na atin ding idedetalye. Abangan ang karugtong.

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.