Advertisers
Sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga police checkpoint sa lungsod ng Maynila na tinitiyempo pa sa rush hour na kung saan ang mga commuter at mga motorista ang nagsasakripisyo sa mga abalang dulot nito.
Pagod na nga naman sila sa trabaho, hirap pa rin sa pagsakay sa mga public utility at dinagdagan pa ng pagkainip dulot ng gapagong na usad ng trapiko dahil nga sa checkpoint.
Gutom na nga naman sila at nagmamadaling umuwi ng bahay para kumain at magpahinga nguni’t nauudlot ang lahat dahil sa mga pulis na nagmamando ng mga checkpoint na lubhang mabusisi sa bawat pinapahinto nilang motorista.
Pwede nga naman itaon ito sa iba at mga patay na oras eh kung bakit tinitiyempo pa sa rush hour na kung kailan nagmamadaling umuwi ang mga empleyado sa pribado man o’ gobyerno.
Mistulang Negros Oriental na anila ang Maynila dahil sa mga checkpoint na ito na makikita halos sa bawat kanto. Ito ay applicable talaga sa Negros dahil talagang may threat ang buong lalawigan. Maliban dito ay kata-tapos lang ng insidente na kung saan pinaslang ang kanilang Gobernador at walo pang sibilyan.
Ang Maynila nga naman ay malayo kung ikukumpara sa nasabing probinsiya. Kung tutuusin nga naman ay generally peaceful dito kung ibabase sa mga ebaluwasyon. Wala rin namang masyadong untoward incidents na naga-ganap at mas lalong walang threat to national security para italaga ang mga checkpoint na ito.
Ang mga lugar na kung saan madalas makita ang mag checkpoint na ito ay sa Pritil sa Tondo, kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, kahabaan ng Rizal Avenue, del Pan, Ermita at kung minsan hanggang Roxas Boulevard.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay wala namang ibang sinisita ang mga pulis na ito kundi pawang mga motorsiklo at ang lulan nitong rider na lubhang nakakapagtaka, eh kung lahat pala ng klase ng sasakyan ay sisitahin ng mga ito ay baka abutin ng madaling-araw ang mga tao’t motorista.
Uumpisahan sa hindi pag-susuot ng helmet, lisensiya, OR-CR, rehistro at kung ano-ano pang violation na pwedeng ikarga sa rider. Ewan na lang natin ang mga susunod na pangyayaring magaganap.
Wala namang masama sa mga checkpoint na ito dahil ito ay proteksiyon din ng publiko dangan nga lang ay huwag namang araw-arawin at huwag namang iti-tiyempo sa rush hour, di po ba?
TUMAAS SANANG MULI ANG MORAL NG PHILIPPINE NATIONAL POLICE(PNP) SA LIDERATO NG BAGONG PNP CHIEF
Muli sanang tumaas ang moral ng Philippine National Police (PNP) sa liderato ng bagong PNP Chief na walang iba kundi si Major General Benjamin Acorda Jr.
Tuloy-tuloy sana ang maging cleansing sa hanay ng mga kapulisan partikular na sa mga senior officer mula Colonel hanggang Heneral. Harinawa’y maipatupad ito ni Gen. Acorda na siyang 29th PNP Chief ng bansa.
Maging tapat at marangal sanang muli ang mga kapulisan at sana’y tupdin rin ang kanilang sinumpaang tungkulin… TO SERVE AND PROTECT THE PUBLIC at hindi TO PROTECT THE CULPRITS.
Magpakitang-gilas at muli sanang ibangon ang institusyon ng PNP para manumbalik muli ang tiwala ng sambayanang Pilipino.
Malaki ang tiwala ng ating mga kababayan kay PNP Chief Acorda Jr.na gagawin niyang lahat ang nararapat para muling linisin ang imahe ng ating kapulisan, “Into your hands we commend our thrust and confidence.”