Advertisers
Ipinatigil ng mga awtoridad noong Sabado ang operasyon ng isang cafe na itinayo sa loob ng kuweba sa Davao City.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay noong umaga ng Sabado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang cave cafe ng isang restaurant sa Barangay Baganihan sa Marilog district.
Ang restaurant ay nasa labas ng kuweba pero itinayo sa loob ang cafe.
Naging usap-usapan ito sa social media matapos lagyan ng mga upuan, mesa, kutson, ilaw at iba pang gamit ang loob ng kuweba.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, napansin nilang nasira ang ilang bahagi ng kuweba at nilagyan ng hagdan at mga bato ang sahig bilang flooring.
Nakuha rin ng mga awtoridad ang ilang naputol na stalactites at stalagmites.
Isang linggo pa lang binuksan sa mga bisita ang cave cafe, ayon sa naarestong manager, na mahaharap sa kasong paglabag sa National Caves and Cave Resources Management and Protection Act.
“Kasi noong nagsimula ako mag-duty duty, nag-start naman na kaagad ang operation, so nag-manage lang ako ng mga tao. Regarding sa cave, ang may-ari lang ang makakasagot. ‘Yon lang naman ang sinabi niya (owner), wala siyang proper orientation,” aniya.
Ayon sa MGB ng Davao Region, tinatayang nasa 2.5 milyong taon na ang kuweba. Bahagi rin ng ancestral domain ng katutubong Matigsalog ang lugar, na dinarayo ng mga turista dahil sa malamig na temperatura.
Kaya pinag-iisipan din ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) kung kakasuhan ang mga operator ng paglabag sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.
Maliban naman sa mga nasirang stalactites at stalagmites, posibleng nagambala rin ang mga hayop na nakatira sa kuweba.
Dahil sa matinding pinsala sa kuweba, matagal na panahon bago ito maibabalik sa dating anyo.
“Mahi-heal pa ‘yon without human interventions but it will take time, it would take century to rehabilitate a specific area,” ani Bagani Fidel Evasco, regional executive director ng DENR.
Hahanapin din ng mga awtoridad ang may-ari at magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon, lalo’t napag-alamang ang mga ipinakitang dokumento at permit ay kinuha sa Arakan, Cotabato province sa halip na Davao City.