Advertisers
NASAWI ang isang estudyante habang malubhang nasugatan ang 12 iba pa nang sagasaan ng isang pick-up truck habang nasa gilid ng highway sa Barangay Naparaan, Salcedo, Eastern Samar, Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa report ng Salcedo Police, ang mga biktima ay pawang babaeng junior high school student ng Salcedo Vocational High School.
Sa report, 11:55 ng umaga labasan ng mga estudyante at nag-aabang ang mga biktima ng sasakyan pauwi habang ang iba ay bumibili ng pagkain nang salpukin ng Isuzu DMAX na minamaneho ni Manuel Wanijan, 61 anyos, residente ng Guian, ang lugar na pinaghihintayan ng mga estudyante.
Sumalpok muna ang sasakyan sa steel railing, subali’t sa lakas ng pagkasalpok ay nagiba ang mga bakal at naipit ang mga estudyante.
Dead on the spot ang isang 18-anyos na hindi pa pinangalanang mag-aaral, samantalang 7 ang grabeng nasugatan. Dalawa sa mga biktima ang nasa ICU.
Nagtamo naman ng minor injuries ang ilang biktima.
Isinugod ang mga sugatang estudyante sa Salcedo Doctors Hospital at ang ilan ay inilipat sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City dahil sa maselang kalagayan.
Naaresto ng mga pulis si Wanijan na nakakulong ngayon sa Salcedo Police Station, at nahaharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Multiple Serious Physical Injuries.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang driver kung bakit nasagasaan niya ang mga estudyante.