Advertisers
SINIBAK sa kanilang puwesto ang dalawang pulis na nakunan ng video habang natutulog sa loob ng kanilang patrol car sa Cebu City.
Maririnig sa video ang panawagan ng babaeng uploader kina Cebu City Mayor Michael Rama at Philippine National Police (PNP) Chief, General Benjamin Acorda Jr., na patawan ng parusa ang mga pulis dahil sa kabiguan ng mga ito na gampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.
Hindi tinukoy ang mga natutulog na pulis na nakatalaga sa Mobile Patrol Unit pero tiniyak ni Police Regional Office (PRO) 7 Director, Brig. Gen. Anthony Aberin, na hindi nila ito kukunsintihin.
“While we are swift in recognizing policemen who did something good, we are also very swift in making sure that we will impose disciplinary measures on those who violate the rules,” diin ni Aberin.
Noong Abril 13, dalawang pulis din ang nabidyuhan na naka-duty pero natutulog sa airconditioned nilang patrol car sa Maxilom Avenue sa Cebu City.
Isang Alex Lim ang kumuha ng video at ini-upload ito sa Facebook na agad ding nag-viral sa TikTok.
Nadaanan ni Lim na nakabukas ang makina ng patrol car at nakitang natutulog sa loob ng sasakyan ang dalawang pulis na may ranggong staff segeant at coporal 6:00 ng umaga.