Advertisers
INANUNSIYO ng Department of Budget and Management (DBM) na inaprubahan na nito ang pagpapalabas ng pondong papalo sa mahigit 15 bilyon para sa pagpapagawa ng 4,912 na mga silid-aralan sa 1,194 lugar sa buong bansa.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, ang napapanahong pagpapalabas ng pondo na pawang hirit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd) ay nagpapakita na hindi nag-aatubili ang administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mamuhunan sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ni Pangandaman na kailangang magtayo at magkumpuni ng mga classroom para makasabay sa pagtaas ng bilang ng enrollees sa mga pampublikong paaralan.
Matatandaang tinukoy ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ang kakulangan sa classroom ang pinaka-agarang isyu sa edukasyon at nangakong tutugunan ang pangangailangang ito sa imprastruktura.
Mahalaga aniya ang ligtas, malinis at maaliwalas na mga silid-aralan para makapag-aral nang mabuti ang mga estudyante.
Una nang nangako si PBBM na bibigyang prayoridad ang pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan sa ilalim ng Basic Education Facilities (BEF) ng DepEd. (GILBERT PERDEZ)