Advertisers
PATAY nang matagpuan ang hepe ng PPU Laguna Provincial Police Office sanhi ng isang tama ng bala sa katawan sa Binan City, Laguna nitong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Lt. Colonel Victor Ben Isidore S. Aclan, dating hepe ng San Pedro Laguna PNP at kasalukuyang head ng PPU Laguna Provincial Police Office, ng Holland Park Condominium Corp Custer 1 3f I, San Francisco, Binan City.
Ayon kay SSG Darius Dela Vina, 8:30 ng umaga nangyari ang aksidente.
Sa pahayag ni Cpl Japer Aaron Mercado, personal security staff ng biktima, nakarinig ito ng isang malakas na putok mula sa kuwarto ng opisyal.
Dali-dali ito nagtungo sa kuwarto upang alamin ang sanhi ng putok at nakita ang biktima na duguan at wala nang buhay sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Mark Obleada)