Illegal Recruiter, 2 biktima, huli sa Clark Airport
Advertisers
Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang umano’y illegal recruiter na nagtangkang magpalusot ng dalawang biktima sa Clark International Airport (CIA).
Sa ulat ng Travel Control and Enforcement Unit kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang biktima at ang suspek ay nagsabing magtutungo sa Hong Kong para magbabakasyon at pasakay sa Cebu Pacific Airlines.
Sinasabing ang dalawang biktima ay nagtatrabaho bilang yaya sa isang 60-anyos na isang nagngangalang Pauline, na noo’y kasama ang dalawang menor de edad.
Nang magkahiwalay na imbestigahan, napag-alaman na patungo ang mga ito sa United Arab Emirates upang magtrabaho bilang mga household service worker, at inalok ng suweldo na 1600 Dirhams.
Ayon kay Tansingco, ibinahagi ng dalawang biktima na nakilala ng mga ito ang naturang recruiter sa pamamagitan ng Facebook, at inutusang maglakbay kasama si “Pauline” at ang kanyang mga anak at magpanggap na mga empleyado nito.
Ang dalawang biktima at ang sinasabing kanilang recruiter ay dinala sa CIA Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon. (JERRY S. TAN/ JOJO SADIWA)