Advertisers
KULONG ang isang dating mediaman nang makuhanan ng dalawang hindi lisensyadong baril at droga sa gun buy-bust operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Provincial Field Office sa Barangay Ponso, Polangui, Albay, Martes ng gabi.
Patung-patong na kaso ang inihahanda ng mga pulis laban kay Plaridel Bierso Persia, 37 anyos, ng Purok-2, Brgy. Balaba ng naturang bayan.
Si Persia, mas kilala sa alyas na “Pla” na dating brodkaster sa ilang radio stations at on-line media sa Albay, ay nawala sa sirkulasyon simula noong panahon ng pandemya.
Sa ulat, 6:17 ng gabi sa tulong ng Polangui Police, inilatag ng mga kasapi ng CIDG-PFU ang operasyon laban kay Persia makaraang ialok nito sa isang “asset” ang ibinebentang dalawang baril.
Nakuha sa suspek ang isang kalibre 45 pistola, isang 9mm revolver, magazine at mga bala ng naturang mga baril. Nakuhanan din ito ng isang cube ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa plastik.