Advertisers
Mahigit 800 estudyante ng Caloocan City ang nakibahagi sa Special Program of the Employment of Student (SPES), na ginawang posible sa pamamagitan ng partnership ng Public Employment Service Office (PESO) ng pamahalaang lungsod at Department of Labor and Employment (DOLE).
Magkakaroon ang mga mag-aaral mula sa Caloocan City North at South ng kanilang orientation sa Hulyo 04 at 06. Itatalaga ang mga ito na magtrabaho sa iba’t ibang ahensya at departamento ng lungsod simula sa Hulyo 20.
Pinuri naman ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang dedikasyon at tiyaga ng mga mag-aaral na kumita ng kaunti para makatulong sa sariling gastusin at umaasa na ang programa mabibigyan din sila ng karagdagang kaalaman at kasanayan.
“Bukod sa layuning makapaghatid ng pagkakakitaan, isa rin ito sa paraan upang linangin at dagdagan pa ang kakayahan at kaalaman ng mga Batang Kankaloo,” pahayag ni Mayor Along.
“Sa ating mga bagong SPES, hangad ako sa inyong pagsisikap at pagpupursigi, hangad ko na makatulong ang oprtunidad na ito sa inyong mga gastusin, at higit sa lahat sana’y marami kayong matutunan,” dagdag pa ni Malapitan.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Mayor Malapitan sa DOLE at mga katuwang na pribadong kumpanya sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na magbigay ng pagkakataon para sa pag-unlad ng mga kabataan.
“Maraming salamat po sa PESO, DOLE, at sa mga katuwang nating pribadong kumpanya sa inyong pag-uugnayan upang makatulong sa pagpapaunlad ng ating mga kababayan,” wika ni Mayor Along.
Tatagal ng 20 araw ang espesyal na trabaho ng mga estudyante, kung saan higit sa kalahati ng kanilang kabayaran sasagutin ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, habang ang natitira sasakupin ng DOLE.(BR)