Advertisers
Sugatan ang isang tulak ng iligal na droga na naunang nadakip sa buy-bust operation sa Navotas City nang barilin sa hita ng pulisnang magtangkang tumakas, Lunes ng madaling araw.
Bantay-sarado ngayon ng mga pulis ang suspek na si Jesril Sison alyas “Sandok”, 34, sa Tondo Medical Center kung saan siya isinugod matapos magtamo ng isang tama ng bala sa likurang bahagi ng kanang hita.
Sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogeilio “Pojie” Penones Jr., na ipinadala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Luis Rufo Jr., 11:20 ng Lunes ng gabi sa C4 Road, Brgy. Bagong Bayan North, Navotas City na nagresulta sa pagkakadakip kay Sison at sa kasabwat niyang si Mary Grace Francisco, 43, ng C4 Road, Brgy. Tañong, Malabon City.
Nasamsam sa dalawa ang nasa 20 gramo ng shabu na may standard drug price value na P136,000, P300 bills na ginamit bilang buy-bust money at P100 recovered money.
Matapos ang imbentaryo, dinala na ng mga pulis sa NPD Forensic Unit ang mga ebidensiya upang masuri, pati na ang dalawang nadakip para naman isailalim sa drug test, kasama ang mga umarestong pulis na sina P/Cpl. Raulin Ragadi at P/Cpl. Mark Angelo Salanap.
Sa report, 2:45 ng Martes ng madaling araw, habang pabalik na ang grupo sa Navotas Police Station Custodial Facility, bigla na lamang tumalon mula sa likuran ng sinasakyang mobile car 907 si Sison pagdating sa C4 Road, Brgy Tañong, Malabon City at mabilis na nagtatakbong palayo.
Hinabol naman kaagad ni Cpl. Salanap si Sison at nang matantiya na mahihirapan na niyang abutan ang suspek, nagpasiya na ang pulis na barilin sa hita ang pugante.(Beth Samson)