Advertisers
HALOS umabot sa 6 milyon pisong halaga ng shabu ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa isang warehouse na malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay .
Nabatid sa ulat ng BOC-Port of NAIA ,unang nasabat ng Customs authority ang isang inbound parcel na pinadala ng Ebay Inc. na nagmula sa 134 Central Avenue, Phoenix, Arizona, USA. Ito ay nakapangalan kay Raymund Dulla ng 2218 P. Binay St.,Bangkal,Makati City kung saan ay idineklara ang laman ng kargamento na ‘steel bread toaster’ subalit nadiskubreng may laman itong 318 grams na hinihinalang shabu.
Ang illegal na droga ay dumaan sa 100 % physical examination matapos na makita sa xray scanning machine ang kahinahinalang ‘hugis’ na nakasiksik sa bread toaster.
Kaugnay nito, sinabi ni DHL Customs Special Deputy Collector Luz Ugot na ang outbound parcel na may airway bill number 1230072255 na ipinadala ng isang Cherry Aguiling ng Meadow Park Subdivision sa Bacoor, Cavite papunta sa Gordon Wood ng Mount Riverview, Australia ay natuklasan din na mayroong laman na 560 gramo na shabu.
Ang outbound parcel ay idineklarang eyelas set,electric hair dryer at electric hair brush subalit nabuko nang dumaan sa x-ray machine kung saan ay nakalagay ang mga ito sa tatlong improvised pouches.
Ang dalawang kargamento na nasabat ay naglalaman ng may kabuuang 878 grams na hinihinalang shabu na may street value na aabot sa Php 5,970,400.
Sinabi ni Collector Ugot na ang mga nasabat na ilegal na droga ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency- Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (PDEA-IADITG) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot dito. (JOJO SADIWA)

