Advertisers
INATASAN ng House Committees on Public Accounts, and Suffrage and Electoral Reforms sa isang joint hearing na makulong ng 10 araw sa pasilidad ng Kamara de Representantes ang Cagayan Provincial Administrator na si Atty. Maria Rosario Mamba Villaflor sa kanyang panghihimasok sa joint inquiry.
Na-cite in contempt din si Villaflor matapos makitaan ng dalawang komite na hindi nito nilagdaan ang isang dokumento na ino-otorisahan ang 10 Cagayan provincial officials na dumalo sa joint inquiry noong nakaraang Lunes.
Hindi rin pinaniwalaan ng dalawang komite ang katwiran ni Villaflor na idinulog sa kanyang pagtanggi na lagdaan ang authority to travel documents, na ang mga concerned Cagayan provincial officers na sina Vita Vergara, Catalino Arugay, Maritel Bautista, Kristine Reyes, Ma. Anita Obispo, Amelia Manalo, Rosario Mandac, Heracleo Dumapal, Roselle Buncad, Daisy Baguisi, and Atty. Rogelio Taliping ay may nakatakdang aktibidad, kasama na ang pamamahagi ng financial at relief assistance para sa mga biktima ng bagyong Egay, gaundin ang pagsasapinal ng kanilang post-disaster assessment.
Gayunpaman, inamin ng mga opisyal na maaring maipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda kahit wala sila, at hindi naman lahat ay makikibahagi sa relief operations.
Bukod kay Villaflor, na-cite in contempt din si Rogelio Sending ng Bombo Radyo Tuguegarao at inatasan din na makulong para sa kanyang patuloy na pagsuway na dumalo sa pagdinig.
Binigyan naman ng pagkakataon si Cagayan Governor Manuel Mamba na dumalo sa pagdinig upang ipaliwanag bakit hindi siya dapat i-cite in contempt sa kanyang pagliban sa pagdinig. Hinainan na rin ng show cause order si Gov. Mamba.
Ang pagdinig ay pinamunuan nina ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, alinsunod sa House Resolutions (HR) 145 at 146, na inihain ni Cagayan Rep. Joseph Lara.