Advertisers
NALAMBAT na ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ang mga “dumukot” sa mga sabungero sa Manila Arena last year.
Ang mga nahuli ay sina Julie Patidongan alyas “Dondon”, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr, Johnry Consolacion, Virgilio Bayog at Gleer Codilla. Nadakip ang mga ito sa magkahiwalay na operasyon loob ng Jackielou Village at Fortunata Village sa Paranaque City last week.
Mukhang hindi naghiwa-hiwalay ang mga loko simula nang ma-wanted sila sa batas. Naramdaman siguro nila na mas delikado sila kapag nagkanya-kanya. You know!
Ngayong hawak na sila ng mga alagad ng batas, kasunod ay ihaharap na sa korte, Manila Regional Trial Court Branch 40, ikakanta kaya ng mga ito kung sino ang nag-utos sa kanila para iligpit yung mga sabungero?
Siguradong may makapangyarihang taong nag-utos sa anim na ito. Kung sino man ang nag-utos sa kanila, malalaman natin yan ‘pag kumanta sila sa korte. Kung kakanta?
Nangyari ang pagdukot sa mga sabungero Enero 13, 2022, kasagsagan ng online Sabong ng Pittmaster na ginaganap sa Manila Arena sa Sta. Ana.
Ang sunod-sunod na pagkawala ng mga sabungero noon ang rason kaya pinatigil ni noo’y Presidente Rodrigo Duterte ang online sabong.
Sabi, ang kasalanan daw ng mga nawalang sabungero ay dahil sa “game fixing”, nagpapasok daw ng mga panabong na “tsupi”.
Sa mundo ng mga sabungero, ang pandaraya ay isang “mortal sin”. Kung hindi bugbog ang abutin mo, tiyak sementeryo. Mismo!
***
Ngayong natimbog na ang anim na suspects sa pagkawala ng mga sabungero, malamang na mabuhayan ng loob ang mga naiwang pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Ilan kasi sa pamilya ng mga nawawalang sabungero ay nagwidro ng reklamo dahil napagod na raw sila sa kapabalik-balik sa Department of Justice (DoJ) at sa PNP dahil sa wari nila ay dinidribol lang sila ng mga awtoridad.
May pumutok pang balita na ang mga nagwidro ay nabayaran ng milyones para hindi na ituloy ang reklamo.
Sabi ni PNP Chief, General Benjamin Acorda, Jr., sa pagkaaresto sa mga suspek, malaki raw ang pag-asa na mabibigyan na ng hustisya ang pagkawala ng mga sabungero. Wish ko lang!
Sa tantiya ko ay alam na ng PNP kung sino ang nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero, ayaw lang nila pangalanan dahil wala pang sapat na ebidensiya.
Maging ang mga kilalang sabungero ay tiyak na tukoy nila ang nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero, ayaw lang ni;a magsalita. You know!!!
***
Kahit ipinatigil na ang online sabong ay talamak parin ang mga operasyon ngayon. Isa sa mga namamayagpag ay ang Sabong Worldwide na gumagamit pa ng mga mukha ng mga kilalang sabungero na regular na nag-e-entry noon sa Pittmaster ni “Boss AA”.
Oo! Lantaran kung manghikayat ng agent at mananaya sa social media partikular Facebook itong Sabong Worldwide.
Sa kabila ng Executive Order No. 9 ni Pangulong Bongbong Marcos na nagbabawal sa e-sabong ay tila walang takot itong Sabong Worldwide sa kanilang operasyon. Nagtataka tayo kung bakit hindi ito mahuli-huli ng pulisya maging ng Department of Information, Communications and Technology (DICT). Magkano kaya ang dahilan? Tuldukan!