Advertisers

Advertisers

Sen. Chiz sa BoC: Puros lang raid walang nakukulong…‘KASUHAN NYO NA ANG SMUGGLERS!

0 163

Advertisers

PINASASAMPAHAN agad ng kaso ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa Bureau of Customs (BOC) ang mga negosyanteng sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas na siyang dahilan ng artificial shortage at pagtaas ng presyo nito sa nakalipas na mga buwan.

Nanawagan din ang senador sa ahensya na ibunyag ang pangalan ng mga negosyante at operators na nagmamay-ari ng mga warehouse na sinala-kay ng mga awtoridad kungsaan natagpuan ang mga pinaghihinalaang ipinuslit na bigas.

“Ang dami ng raids na ginawa nitong mga nakaraang linggo, bakit hanggang ngayon, wala pang kasong isinasampa sa mga taong sangkot?” diin ni Escudero.



Kailangan, aniya, na sampahan ng kaso ang mga nasabing ‘economic saboteurs’ para magsilbing babala na seryoso ang administrasyon sa kanilang kampanya laban sa smugglers at hoarders.

“Hindi tayo dapat nagtatapos sa mga raids lamang. Naghihintay at nagmamatyag ang taumbayan sa susunod na hakbangin ng pamahalaan. Sampahan na agad ng kaso ang mga dapat sampahan,” punto pa ng senador.

“We should bring them to the court of justice to prove that this administration is resolute in its campaign against the rice cartel,” dagdag pa niya.

Batay sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, kinukonsidera ang large-scale smuggling ng mga produktong agrikultura bilang economic sabotage.

“Bakit hanggang ngayon, walang kaso? Why haven’t I heard anyone sued for economic sabotage or something? Who owns these warehouses? Who are the people involved?” tanong pa ni Escudero.



Matatandaang nitong Setyembre 15, nasabat ng BOC-Port of Zamboanga ang 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon sa Barangay San Jose Guzu matapos madiskubre ng mga awtoridad na ang mga kalakal ay hindi sakop ng requisite sanitary at phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Plant Industry.

Una rito, nagsagawa rin ng inspeksiyon ang BOC sa tatlong warehouse sa Bulacan at nadiskubre ang mga puslit na imported rice na nagkakahalaga ng P505 milyon.

Bukod sa paghahain ng kaso laban sa mga hoarder, iginiit ni Escudero na dapat i-update ng gobyerno ang publiko hinggil sa pagsulong ng kaso para sa pagiging transparency nito.

“Ito ang mga dapat nilang masagot ngayon: who oversees the disposition and how will it be disposed? Ano ang gagawin nila sa mga bigas na nakumpiska?” hirit pa ni Escudero. (Mylene Alfonso)