Advertisers
IPINAHAYAG ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na sinibak ni Pope Francis ang isang pari na nakabase sa Borongan, Eastern Samar na inakusahan ng sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad.
Ang desisyon ng Santo Papa na alisin mula sa clerical state si Pio Aclon ay inanunsiyo ng Diocese of Borongan nitong Linggo sa kanilang Facebook page.
Sinabi ng CBCP na huling nagsilbi ang pari sa isang minor seminary sa lungsod bago siya sinuspinde ng diyosesis sa kanyang mga tungkulin bilang klerikal.
Inilabas ng Diyosesis ng Borongan ang Informationis Causa sa pagkakatanggal kay Aclon. Ito ay nilagdaan ni Chancellor Fr. James Abella na may petsang Hulyo 18.
Sinabi sa adivisory na babasahin ito sa lahat ng Simbahan, parokya, chaplainency, at chapel ng diyosesis tuwing Linggo.
Sinabi ng CBCP na titiyakin nito na walang pagtatakip sa mga kaso ng pang-aabusong sekswal na kinasasangkutan ng kaparian.
Sinabi rin nito na ang isang tanggapan ay nilikha upang makatulong na protektahan ang mga menor de edad mula sa sekswal na pang-aabuso ng mga pari.
Sa isang panayam sa Portugal noong 2022, sinabi ni Pope Francis na ang Simbahang Katoliko ay dapat magpakita ng “zero tolerance” sa sekswal na pag-atake ng mga miyembro ng klero. (Jocelyn Domenden)