Advertisers
NASAWI ang isang kandidato sa pagka-barangay kagawad at kasama nito sa ambush sa South Upi, Maguindanao del Sur, Linggo ng hapon, September 17, 2023.
Sa pahayag nitong Lunes ni Colonel Roel Sermese, director ng Maguindanao del Sur provincial police, magkaangkas sa motorsiklo sina Zeraphi Omar at si Parato Mudzol nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Lamud, South Upi .
Sa report, si Omar ay anak ng barangay chairman ng Biarong sa South Upi na si Datu Esmael Omar na ayon sa mga lokal na opisyal at mga kasapi ng South Upi Municipal Peace and Order Council, sangkot sa “rido” o away ng mga angkan.
Ang pagpaslang kay Omar, kandidato ngayon sa pagka-kagawad sa Barangay Biarong, at kay Mudzol ay naganap isang araw lang matapos mapatay din sa ambush nitong Sabado sa Barangay Kanguan, Datu Piang, Maguindanao del Sur si Leonardo Asud De Jesus, Jr., isang third-termer councilor sa Barangay Poblacion ng naturang bayan.
Dahil nasa pangatlong termino na, hindi na maaring kumandidato sa anumang posisyon sa kanilang barangay government si De Jesus ngunit mayroon siyang mga sinusuportahang kandidato sa pagka-barangay chairman at councilor, ayon sa kanyang mga kamag-anak.
Ayon kay Sermese, sakay ng kanilang Toyota Innova si De Jesus na minamaneho ng kanyang anak nang pagbabarilin sila ng riding in tandem sa isang bahagi ng highway sa Barangay Kanguan, habang patungo sa bayan ng Midsayap, Cotabato.