Advertisers
Hinimok ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga local government unit na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng “influenza-like illness” sa kanilang mga komunidad.
Ito ay batay sa ulat ng Department of Health (DOH) na nasa 114,127 kaso ng flu-like illness ang naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 12 ngayong taon kung saan tumaas ng 52 porsyento mula sa parehong panahon noong 2022.
“We already have protocols in place regarding infectious diseases because of the recent pandemic, so I hope that our LGUs will be prudent and take proactive steps to prevent the spread of disease in their communities,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
Ayon sa DOH Epidemiology Bureau, nakapagtala ang Davao ng pinakamataas na bilang ng mga kaso, na may 18,656; sinundan ng Northern Mindanao na may 15,585, at Central Visayas na may 13,280.
Samantala, nakapagtala naman ang Zamboanga peninsula ng pinakamataas na pagtaas ng kaso sa 268 porsiyento o mula 1,407 hanggang 5,178; habang ang Metro Manila ay nagkaroon ng 142-percent na pagtaas o 2,636 hanggang 6,372, at Ilocos, 138 porsiyento o mula 2,955 hanggang 7,026.
Pinaalalahanan din ni Cua ang mga lokal na pinuno na ang kanilang LGU shares, na kanilang natatanggap mula sa PCSO, ay magagamit sa pagbili ng mga gamot at sakit prevention kits para ipamahagi sa publiko.
“LGUs have a wide latitude in using their PCSO shares for the health and medical needs of their constituents. Maaaring gamitin ito para sa pagbigay ng gamot sa mga komunidad,” giit ni Cua.
Ang PCSO ay inaatasan na magbigay ng bahagi ng lotto at STL proceeds nito sa mga LGU, kung saan ang mga lungsod at munisipalidad ay tumatanggap ng limang porsyento, habang ang mga probinsya ay tumatanggap naman ng 2 porsyento ng nasabing mga nalikom.
Hinimok din ni Cua ang publiko na mag-ingat laban sa flu-like illness, na ayon sa mga eksperto sa kalusugan ay karaniwan sa panahon ng tag-ulan.
“Huwag po tayo mag-atubili na magpakonsulta sa doktor o sa ating mga health center kapag nakaramdam na tayo ng mga symptoms. Let’s also be considerate of others and use masks if we exhibit symptoms of flu-like illness,” ani Cua.
“At para sa mga kababayan natin sa Metro Manila, nais lamang naming muling ipaalam na may libreng konsultasyon sa Multi-Specialty Clinic sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City,” dagdag pa ni Cua.
Ayon pa kay Cua, ang nabanggit na klinika ay may mga espesyalista sa Cardiology, Neurology at Psychiatry, Ear, Nose, and Throat (ENT), Pulmonology, Gastroenterology, Endocrinology, Orthopedic Surgery, at Ophthalmology.