Advertisers
TATLONG overseas Filipino workers ang nasagip ng mga awtoridad sa human trafficking sa Myanmar.
Ayon sa ulat, pwersahang pinagtatrabaho ang mga ito bilang scammer at kinukuryente pa o kaya naman kinakadena.
Mismong ang mga asawa ng mga biktima ang nagkwento kung ano ang ginagawa ng mga employer ng mga ito, malayo sa pangako na sila ay magtatrabaho bilang call center agents sa nasabing bansa.
Pinangakuan din umano ang mga ito ng mahigit P50,000 kada buwan na kita, kabilang ang komisyon.
“Sa Facebook, ayun na nag-chachat na sa kanila sige kami gagastos dyan, sige kami na bahala pagdating doon porsyentuhan nalang doon,” sinabi ng isa sa asawa ng mga OFW na biktima.
Bumiyahe ang tatlong biktima sa pamamagitan ng bangka mula Zamboanga patungong Malaysia, at patungong Thailand hanggang sa makarating ng Myanmar sakay parin ng isang bangka.
“Thailand po pangako sa kanila, tapos nagtataka nalang asawa ko bakit siya tinawid sa bangka, tapos piniringan daw hanggang nagulat nalang siya may van na sumundo sa kanila,” anang asawa.
“Scammer po sila. Kapag naka-invest na ng buong pera ang tao hindi na nila ibabalik, sa kumpanya na nila mapupunta ang perang yun.”
Kapag hindi maabot ng quota ng pang-scam ay binibihag ang mga ito sa loob ng 40 araw at sinasaktan pa sa loob ng “penalty room and black room.”
“Pinoposas daw po sila tapos bago daw sila pakainin ng dalawang pandesal at mineral na tubig, kukuryentihin daw muna sila at lalatiguhin,” pagbabahagi ng isa pa sa asawa ng mga biktima.
Katulad ng ibang survivor, kailangan magbayad ng blood money para lamang pakawalan ang mga biktimang OFW.
“Kapag nakabayad ka kagaya nung mga nakapagbayad, nakakalabas ng compound bahala na kung sino susundo sayo dun kung police ng Myanmar o police ng Thailand,” aniya.
Lumapit na ang mga ito sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Samantala, hinimok ng IACAT ang pamilya ng mga biktima na ipadala sa ahensya ang buong detalye para makapagsimula na ng imbestigasyon.
Ani Undersecretary Nicholas Ty, sinisilaw ng human traffickers ang kanilang mga biktima ng mataas na sahod.