Advertisers
NAG-VIRAL ang post ng 19-anyos na psychology student nang ilahad ang kaniyang naging karanasan nang sumakay sa isang modern jeepney at singilin ng konduktor ng dobleng pamasahe dahil dalawa raw ang sakop niyang upuan sa Bacolod City, Negros Occidental.
Sa ulat, sinabi ng estudyanteng itinago sa pangalang “Lanie” na hindi niya ikinahihiya ang kaniyang katawan na itinuturing “plus size”.
Pero labis siyang naapektuhan sa pamamahiya ng konduktor na ginawa sa harap ng iba pang pasahero.
Ayon kay Lanie, tinanong siya ng konduktor kung estudyante, at P22.00 ang kaniyang babayaran dahil dalawang upuan ang kaniyang nasasakop.
Bagaman ipinagtanggol ng ibang pasahero, nagpasya ang estudyante na bumaba nalang, at doon na siya naiyak.
Samantala, naglabas ng pahayag ang RSJ Lines, Inc. na operator ng jeepney. Humingi ito ng paumanhin sa inasal ng konduktor na kanila na umanong sinuspinde.
Sa panayam, inihayag ng 32-anyos na konduktor na nagbibiro lang siya sa estudyante pero napagtanto niya kinalaunan na mali ang kaniyang sinabi.
Nagpaalala ang lokal na pamahalaan sa mga operator na igalang ang kanilang mga pasahero.