MPD, NAGBABALA SA NASA LIKOD NG SCHOOL BOMB THREATS: ‘NO SUCH AS THING AS PERFECT CRIME’; MGA MAGULANG, MANANAGOT KUNG MENOR DE EDAD ANG SUSPECTS
Advertisers
BINALAAN ni Manila Police District (MPD) spokesman PMaj. Philipp Ines ang mga taong nasa likod ng bomb threats sa mga paaralan na sila ay mahuhuli din at kapag dumating na ang oras na iyon at nagkataong sila ay mga minors o menor de edad, ang kanilang mga guardians o magulang ang siyang papanagutin sa pamamagitan ng civil liability.
Sa kanyang pagdalo sa buwanang ‘Balitaan sa Harbor View’ news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), nagpahayag din ng pagkalungkot si Ines na may mga school authorities na nawawalang ng interes kapag nalamang ang paraalan ang magiging ‘nominal complainant’ sa mga nasabing kaso, kaya’t umapela siya sa mga estudyante na tulungan ang MPD na mas mabilis malutas ang kaso sa pamamagitan ng pagre-report ng anumang impormasyon na alam nila ukol dito, kasabay ng pagtitiyak na ang kanilang impormasyon at pagkakakilanlan ay ituturing na confidential.
Binigyang-diin din ni Ines na ang bomb threats o bomb jokes ay isang criminal offense sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, na kilala din bilang Anti-Bomb Joke Law na may kaakibat na parusang pagkakulong ng limang taon o multang P40,000 o pareho, depende sa desisyon ng korte.
Tiniyak ni Ines sa publiko na nagsasagawa ang MPD ng masusing imbestigasyon, habang binalaan ang mga nasa likod ng bomb threats na ‘there is no such thing as a perfect crime.’
Nanawagan din siya sa mga mag-aaral ng iba’t-ibang unibersidad na huwag gawing biro ang bomb threats dahil marami ang apektado -gaya ng mga guro, empleyado, mag-aaral at maging iba pang mga lugar kung saan kadalasang nagtitipon ang mga tao, gayundin sa mga school authorities na makipagtulungan sa mga pulis.
“Di namin ito pinagkikibit-balikat. Hindi namin binabale-wala ang mga banta dahil mahalaga ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral,” pagtitiyak ni Ines at aniya, hindi nila dinidiskwento ang posibilidad na ang mga nasabing bomb threats ay maari ding gawa ng mga mag-aaral na gusto lamang masuspindi ang mga klase dahil sa iba’t-bang personal na dahilan.
Mula October 20 hanggang sa kasalukuyang, tatlong unibersidad na sa Maynila ang nakatanggap ng bomb threats- ang University of the East (UE), University of Santo Tomas (UST) at De La Salle University (DLSU). Di gaya ng UE at UST na nakatanggap ng bomb threats sa pamamagitan ng notes na iniwan sa ibabaw ng toilet tanks, natanggap ng DLSU ang parehong banta sa pamamagitan ng e-mail. (JERRY S. TAN)