Advertisers

Advertisers

BOC, HUMAHATAW SA P1-TRILYONG TARGET; KORUPSIYON, KALAKALANG ILEGAL TUTUKAN!

0 22

Advertisers

Kapansin-pansin ang patuloy na pag-usad ng Bureau of Customs (BOC) sa pangunguna ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, lalo’t nakapagtala ang ahensiya ng mataas na koleksiyon at patuloy na pinaiigting ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan at katiwalian.

Mula Enero hanggang Setyembre 2026, umabot sa P757.406 bilyon ang koleksiyon ng BOC, lampas sa target na P748.494 bilyon. Mas mataas din ito ng P55.735 bilyon kumpara sa nakolekta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Malaking bagay ang ganitong resulta sa pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang kita ng bansa.



Sa natitirang mga buwan ng taon, hamon sa buong organisasyon na maabot ang P1 trilyong target, nang hindi isinasakripisyo ang maayos na serbisyo, patas na pagpapatupad ng batas at integridad sa bawat transaksiyon.

Sa katatapos na Collectors’ Conference na idinaos sa pangunguna ng Port of Davao sa ilalim ni District Collector Maita Acevedo, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga opisyal at kawani ng Customs.



Hindi sapat ang magandang numero sa ulat; kailangan itong samahan ng episyenteng operasyon at malinaw na pananagutan.

Tama rin ang panawagan ni Nepomuceno na ipagpatuloy ang pagsisikap. Ang bawat pantalan at tanggapan ay may mahalagang papel sa pagkamit ng pambansang target.



Kasabay nito, dapat manatiling mahigpit ang pagbabantay laban sa korupsiyon at mga ilegal na gawaing sumisira sa tiwala ng publiko.

Mahalaga rin ang mabilis na pag-auction at disposisyon ng mga nakumpiska, forfeited at overstaying na kargamento upang hindi manatiling nakatengga ang mga ito sa mga bodega at pantalan.

Patunay rito ang naging public auction ng Manila International Container Port (MICP), sa pangunguna ni District Collector Atty. Felipe Geoffrey K. De Vera IV, na nakalikom ng P18.38 milyon mula sa pagbebenta ng 21 container ng woodfree paper.

Sa kabuuan, umabot na sa P35,047,147 ang nalikom ng MICP mula sa mga public auction nito ngayong taon.

Isa itong konkretong halimbawa kung paano maaaring maging karagdagang kita ng pamahalaan ang mga kargamentong maayos na pinangangasiwaan at legal na ipinagbibili.

Dapat lamang tiyakin na ang bawat subasta ay isinasagawa nang patas, transparent at alinsunod sa batas upang mapangalagaan ang interes ng publiko.

Kasabay ng pagpapataas ng koleksiyon, isinusulong din ng BOC ang digitalisasyon ng mga proseso nito.

Kabilang sa mga ipinakilalang hakbang ang mga digital system para sa dokumentasyon, customs clearance at pagsubaybay sa mga kargamento.

Malaking tulong ang mga pagbabagong ito sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nangangailangan ng mas mabilis at mas murang proseso sa pag-aangkat at pagluluwas ng produkto.

Kapag nabawasan ang pagkaantala at manu-manong transaksiyon, mas nagiging episyente ang kalakalan at mas napapadali ang pagsunod sa mga regulasyon.

Sa kabuuan, mahalagang balansehin ng Customs ang tatlong pangunahing tungkulin nito: pagkolekta ng kita, pagpigil sa ilegal na kalakalan at pagpapahusay ng serbisyo.

Hindi lamang P1 trilyong koleksiyon ang dapat maging sukatan ng tagumpay. Higit na mahalaga na ang bawat pisong nakokolekta ay dumaraan sa tamang proseso, ang bawat paglabag ay naaaksyunan at ang bawat reporma ay nagdudulot ng tunay na pakinabang sa bayan.

Sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, ito ang hamon sa buong BOC: maabot ang makasaysayang target habang pinangangalagaan ang integridad, pananagutan at tiwala ng sambayanang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.