Advertisers

Advertisers

Parañaque LGU nakipagtulungan sa PSC para sa nalalapit na ASEAN Summit

0 16

Advertisers

Nakipagpulong si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga opisyal ng Presidential Security Command (PSC) noong Martes upang pagtugmain ang mga paghahandang may kinalaman sa seguridad at logistika para sa darating na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre 16-18, 2026.

Ang pagpupulong para sa koordinasyon ay nakatuon sa pagtatakda ng mga pinagsamang protokol para sa mga dayuhang delegado at mga security escort na inaasahang dadaan sa lungsod ang mga aktibidad ng summit.

Ang lungsod ay may mahalagang papel sa mga operasyon ng summit bilang lokal na pamahalaan na sumasaklaw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).



Ayon kay Olivarez, bumisita sa lungsod ang mga kinatawan ng PSC upang talakayin ang mga plano sa seguridad at paghahanda para sa summit at sa iba pang kaugnay na aktibidad.

Binigyang-diin ni Olivarez ang mahalagang papel ng Pamahalaang Lungsod sa paghahanda dahil isa ang lungsod ng Parañaque sa dalawang local government unit (LGU) na sumasaklaw sa lugar ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).



Posible ring gamitin ng mga dayuhang delegado at iba pang kalahok sa summit ang mga pangunahing lansangan ng lungsod bilang mga ruta, habang inaasahang magsisilbing tuluyan ng mga bisita ang mga hotel at iba pang accommodation facilities sa Parañaque.

Tiniyak din ni Olivarez ang buong suporta at pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa PSC at iba pang kinauukulang ahensiya upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng summit.



Samantala, nagsagawa ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng malawakang operasyon sa paglilinis sa kahabaan ng Macapagal Avenue noong Oktubre 22, na sumaklaw sa bahagi mula Barangay Tambo hanggang Barangay Don Galo.

Kabilang sa mga isinagawang gawain ang paggapas ng damo, pagputol at pag-aayos ng mga halaman, paglilinis sa mga gilid ng kalsada, at pag-aalis ng mga kalat upang mapanatili ang kaayusan at mapaganda ang paligid ng pangunahing lansangan.

Batay sa ulat ng CENRO, umabot sa 46 cubic meters ng basura at mga debris ang nakolekta sa naturang operasyon.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na tiyaking malinis, maayos, at kaaya-aya ang mga pangunahing kalsada at pampublikong lugar sa Parañaque bago ang pagdating ng mga delegado at bisita para ika-49 ASEAN Summit.

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com