Advertisers

Advertisers

LTO babawiin ang lisensya ng mga mahuhuling drunk driver simula Nob. 15

0 74

Advertisers

BABAWIIN na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng mga driver na mahuhuling nagmamaneho nang nakainom ng alak simula Nobyembre 15.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, bagama’t nananatiling ipinatutupad ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kailangang dumaan sa proseso ng korte ang pagpapanagot sa mga lalabag.

Gayunman, nasa hurisdiksyon ng ahensya ang usapin ng driver’s license.



Ayon sa LTO, bibigyan muna ng show-cause order ang mga magpopositibo sa breathalyzer upang makapagpaliwanag bago ipataw ang parusa.

Dadaan aniya ang mga kaso sa Intelligence and Investigation Division ng ahensya at magsasagawa ng mga pagdinig bago maglabas ng resolusyon. Maaari namang iapela ang pagbawi ng lisensya.



Ayon pa kay Lacanilao, ipatutupad ang perpetual revocation o permanenteng pagbawi ng lisensya sa mga driver na makasasagasa o makapagdudulot ng pagkasawi.

Layunin ng hakbang na maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng pagmamaneho nang nakainom.



Sa ilalim ng batas, may 0.04% na limitasyon sa alcohol ang mga driver ng pribadong sasakyan, habang bawal ang anumang antas nito sa mga driver ng pampublikong sasakyan.