Advertisers
PUMALO umano sa P573 million ang kickback na natanggap ni Senador Jinggoy Estrada sa loob ng 9 na buwan, mula sa 25% commitment fee bilang proponent sa infrastructure projects, noong 2024 hanggang 2025.
Iyan ang laman ng testimonya ni dating Department of Public Works and Highways o DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa bail hearing ng kasong plunder laban kay Senator Estrada sa Sandiganbayan 5th Division.
Sinabi ni Bernardo, nanggaling umano ang nasabing commitment fees mula sa kapwa niya state-witness na si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, na idineliber pa sa kanyang bahay sa Diamond Hotel sa Maynila.
Dagdag pa rito, itinabi umano ang nasabing commitment fees sa isang bulletproof van sa basement parking ng nasabing hotel nang walang bantay, sa loob ng ilang araw.
Samantala, nakikipag-ugnayan umano kaugnay ng kickback si Bernardo kay Senador Estrada sa pamamagitan ng tawag sa cellphone at pagbisita ng personal, kung saan tinalakay ang tungkol sa hinihinging karagdagang pondo ng senador bilang panggastos sa midterm elections noong 2025.