Advertisers

Advertisers

PBGEN. SANTIAGO NG MPD, DI GAANO NAKIKITA SA OPISINA DAHIL LAGI NAG-IIKOT SA MAYNILA — MAJ. INES

0 21

Advertisers

Sa kanyang pagdalo sa buwanang “MACHRA Balitaan” na ginaganap ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant, nabanggit ng aming panauhin na si PMaj. Philipp Ines na ang hepe pala ng Manila Police District na si PBGen. Arnold Santiago ay halos di nakikita sa opisina dahil lagi daw itong nasa labas at nag-iinspeksyon.

Pinuri niya ang kasipagan ni Santiago na dapat sana ay kasama niyang dadalo sa forum subalit biglang pinatawag para sa isang emergency command conference na, balita namin, ay may kinalaman kay ‘Bato.’

Bago pala ako magtuloy ay nais kong batiin si Maj. Ines dahil bukod sa pagiging spokesman at public information officer ng MPD ay naitalaga din ito bilang hepe ng anti-carnapping division ng nasabing pulisya.



Sa nasabing forum, nanawagan si Maj. Ines sa publiko na magkaroon ng pakialam pagdating sa peace and order.

Halatang dismayado si Maj. Ines sa ilang awtoridad ng mga paaralan dahil sa pagiging malamig nila sa gitna ng sunod-sunod na bomb threats sa mga paaralan, partikular na sa UE, UST at DLSU.



Wala siyang pinangalanan pero sabi niya, sa ginagawa nilang imbestigasyon para matukoy at mapanagot ang nasa likod ng mga bomb threat, nawawalan daw bigla ng interes ang ilang school authorities kapag nalamang tatayo sila bilang nominal complainant ng kaso. Bakit nga naman ganun?

Dapat aniya na maintindihan ng mga ito na dapat papanagutin ang mga taong nasa likod ng bomb threats na ito dahil sa dami ng napeperwisyo nila, mula sa mga mag-aaral, guro, empleyado at maging mga magulang.



Ayon pa kay Maj. Ines, talagang me abala ang kooperasyon sa pulisya at hindi ito ganun kadali pero pag hindi na-pursue ang kaso, ano ang mangyayari? Eh di wala.

Ilang ulit binanggit ni Maj. Ines na dapat, lahat may pakialam.

Aniya, maski maliit na impormasyon lang na mai-relay sa pulisya ay malayo ang mararating at tinitiyak naman ng pulisya na itatago ang impormasyon at pangalan ng nagbigay nito, para na din sa kanilang proteksyon.

Gaya na lang ng ukol sa mga riot ng kabataan tuwing lagpas ng curfew na dapat ay nakatakda ng 10 p.m.

Panawagan ni Maj. Ines, agad na itawag sa MPD hotlines kung me makikita ang sinuman na pagtitipon-tipon ng mga kabataan lagpas sa oras ng curfew na itinakda para sa mga menor de edad.

Ito ay dahil sa posibilidad na ang pagtitipon ay paghahanda para sumabak sa mga riot ng kabataan na walang ginawa kundi mag-gantihan.

Ibinibigay na umano ng pulisya sa mga barangay ang responsibilidad ng pag-amoy kung sino ang mga kabataan sa kanilang nasasakupan na laging nasasangkot sa gulo.

Mandato na din naman kasi talaga nila na pauwiin ang mga kabataang nakikita nilang nagtitipon sa isang lugar o sa kalsada nang lagpas na sa curfew para sa mga minors.

Tama naman si Maj. Ines. Ang pakikipagtulungan ng lahat sa pulisya ay lubhang mahalaga para sa mas mabilisang paglutas ng mga kaso at para maagapan ang anumang krimen.

Kaya sana, pag may mapuna tayong anumang kahina-hinala ay agad na ipagbigay-alam sa pulisya.

Wag matakot at magtiwala dahil kakampi natin ang pulis.

Ang sabi nga ni Maj. Ines, ang PNP daw ay Pambansang Pulis ng Pilipino.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128para sa anumang reaksyon.