Advertisers
MAUGONG ang balita hinggil sa milyones na payola para sa ilang PNP, mga lokal na opisyales at barangay leaders upang payagan na malayang makapagpasugal at makapag benta ng droga kahit na sa mga sentrong kalakalan at lansangan sa mga siyudad ng Tanauan at bayan ng Nasugbu.

Sa Tanauan City, mula sa buwan ng October – December 27 na kapistahan ng siyudad at umaabot hanggang New Year ay kinukunsinti ang pagpapasugal sa A. Mabini Ave., sakop ng Brgy. 2 dahil sa tumataginting na Php5M na “padating” sa isang Tanauan City Hall Official.
Pumapapalo naman sa Php3M ang “tawagan” upang lantarang makapag-tarima ng sugal na may shabuhan sa Brgy. 3 sa bayan ng Nasugbu. Naka detalye din ang timbre sa ilang police official sa Tanauan City at Nasugbu? Ang ilang barangay official kaya?
Nasa disposisyon na nina PNP Acting Region 4A Dir. PBGen. Dominic Baccay at Batangas PNP Acting Provincial Dir. Col. Oliver Ebora kung palalawigin nila ang operasyon ng mga nabanggit na sugalan/shabuhan sa siyudad ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes at sa bayan ni Nasugbu Mayor Antonio Jose Barcelon.
Hindi mapigilan ng mga magulang ang kanilang mga menor de edad na anak, na kahit emeskapo mula sa kani-kanilang tahanan makabili lamang ng shabu sa naturang mga gambling den.
Isang alyas Onad, alyas Rommel at alyas Pajon ang iniuulat na halinhinan na nagsu-supply ng shabu gamit na front ang pwesto ng mga color game, drop ball, cara y cruz (Tao-Ibon) sa kahabaan ng A. Mabini Ave., Brgy. 2, Tanauan City at sa Brgy.3 sa bayan ng Nasugbu. Bakit walang kibo at tila inutil laban sa mga sugalan na may shabuhan sina Tanauan City Police Chief Lt. Col. Caesar Ian Binucal at Nasugbu Police Chief Lt. Col. Angelito Guardian.
Upang makabawi sa negatibong ulat ay kailangang tuluyang walisin na nina PGen. Baccay at Col. Ebora sa Batangas ang mga pergalan/shabuhan tulad ng mga pinatatakbo nina alyas Glenda sa Brgy. Alupay, Rosario; alyas Edith sa bayan ng Mabini at alyas Mundo sa Poblacion, Calaca City.
Sibakin din dapat ang dalawang pulis na promotor ng sakla sa mga barangay ng Reparo, Lumbangan, Brgy. 4, Manggahan, Bucana at Tumalim sa Nasugbu. May sakla din sina alyas Tisoy, alyas Nonit at alyas Jeff sa bayan ng Padre Garcia; sakla nina alyas Magsino at pulis na alyas Adie sa Sto. Tomas City at bayan ng Mataas na Kahoy.
Si alyas Adie ay sangkot din sa isang mabigat na kasong kasalukuyang iniimbestigahan ng CIDG.
May mga sakla din sina alyas Danny at alyas Mayor sa Lemery; sakla ni alyas Morpe sa bayan ng Rosario; sakla ni Ronnel ng bayan ng San Juan; sakla ni alyas Kap Mike sa mga bayan ng San Luis at Alitagtag; sakla ni alyas Digo sa Poblacion at Lumbangan sa bayan ng Tuy at sakla ni alyas Arnaiz sa bayan ng Taysan. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144