Advertisers
Kadalasan na napapaulat sa taumbayan ay ang trabaho mga pulis – pagbibigay seguridad sa komunidad, pagpapanatili sa kaayusan at katahimikan, kung saan ang lahat ay bunga ng mga programa at kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa kriminalidad.
Sa pagpapatupad ng mga programa na nagreresulta sa pagkaaresto ng mga sangkot (suspek) upang mapanatili ang seguridad ng mamamayan, ito ang dapat na malaman ng taumbayan – ang susunod na hakbangin matapos ang mga police operation, ang katanungan…paano at ano na ang mangyayari sa mga naaresto?
Ito ang dapat na malaman ng taumbayan – the next step. Diyan na papasok ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Sasaluhin na ng BJMP ang mga naaresto – mula sa PNP ay isinalin na sa BJMP ang pangangalaga sa mga nadakip – tawag sa kanila ay Persons Deprived of Liberty (PDL).
Kapag ang PDLs ay nasa kamay na ng BJMP, hindi lamang basta nakakulong at bantayan sila ng mga opisyal/tauhan ng penolohiya upang hindi makatakas kung hindi nahaharap ang kagawaran ng malaking responsibilidad – ang hubugin, at disiplinahin ang PDLs para sa pagbagong buhay at maging handa paglabas mula sa piitan. Tandaan, ang piitan ng BJMP ay hindi lamang basta isang karsel kundi ito ay rehabilitation center. Alam niyo naman na siguro kung ano ang ibig sabihin na rehabilitation.
Kung kaya, dapat na malaman ng taumbayan na hindi madali ang maging tauhan ng BJMP – sa gitna ng siksikang mga selda at limitadong pasilidad, ang pamamahala sa libo-libong PDL ay hindi lang ito usapin ng pagpapatupad ng mga regulasyon kung hindi ito ay pang-araw-araw na pagbalanse sa seguridad at pagkatao.
Sa paghubod sa PDLs na may habag, nito namang Oktubre 26, 2026, sa ginanap na ika-9 Gawad Penolohiya ng BJMP na ginanap sa San Mateo, Rizal, pinarangalan ang 54 opisyal at 13 yunit na nagpakita ng natatanging serbisyo. Ngunit higit sa mga tinanggap plake at parangal, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung ano ang nangyayari sa loob ng mga pasilidad araw-araw.
Sa okasyon na pinangunahan ni BJMP Chief, Director Efren Nemeño, tama ang punto ng mensaheng ipinaabot ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa pamamagitan ni Usec. Jed Mabilog – kailangan ng disiplina, kahandaan, at integridad, ngunit hindi ito magiging epektibo kung walang habag. Ang piitan ay hindi dapat maging tapunan lang ng mga nagkasala, kundi pook ng totoong rehabilitasyon.
Kung titingnan ang tunay na kalagayan sa mga piitan, ang pagpapanatili ng maayos na kalusugan, edukasyon, at makataong pagtrato sa mga PDL ay hindi lang pabor sa kanila kung hindi isa itong obligasyon sa ilalim ng batas at pundasyon ng pampublikong kaligtasan. Sa paglabas ng isang PDL sa kulungan, ang paraan ng pagtrato sa kanya sa loob ang magpapasya kung babalik siya sa lipunan bilang nagbagong mamamayan o muling magiging banta sa komunidad.
Samantala, ang pagkilala naman sa mga opisyal at pasilidad (Type A, B, at C) ay magandang hakbang para sa morale ng kawanihan. Ngunit ang mas mahalagang hamon ay ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga ipinangakong reporma—mula sa mas mabilis na serbisyo hanggang sa mas maayos na administrasyon.
Ang tunay na parangal sa serbisyo sa piitan ay hindi nagtatapos sa seremonya kundi nakikita ito sa bawat PDL na nakakalabas nang may bagong pag-asa at sa bawat pasilidad na nagpapanatili ng kaayusan nang hindi nakakalimot sa pagiging tao.