Advertisers

Advertisers

HUWAG SA DAVAO CITY ANG PAGLILITIS

0 24

Advertisers

HININGI ng mga manananggol ko na ilipat ang paglilitis sa ibang lugar sa sakdal na cyberlibel na isinampa laban sa akin ni Manash Carpio, maybahay ni Misfit Sara. Hindi ako ligtas kung ang paglilitis ay sa Davao City, iyan ang kanilang katwiran. Iminungkahi ng aking mga abogado sa pangunguna ni Dino de Leon na ilipat sa anumang siyudad sa Metro Manila ang trial imbes na sa Davao City.

Hindi namin alam kung ano ang isasagot ng Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 10 sa petisyon na inihain ng mga manananggol. Kahit ako at sampu ng aking mga abogado ay may pangamba kung doon sa Davao City gaganapin ang paglilitis. Ito ang bilin ni Ramon Tulfo, ang mamamahayag na nakakatandang kapatid ng dalawang senador – Raffy at Erwin. Ilipat sa pinakamadaling panahon ang lugar ng paglilitis. Lumaki sa Davao City si Ramon at kilala niya ang mga Duterte. Wala siyang tiwala sa kanila.

Panauhin ako noong Lunes sa programang TNT Live ni Mon at Tornie Clint Aranas kung saan sama-sama naming tinalakay ang kontrobersyal na pagdakip sa akin ng PNP Cybercrime Division katulong ang QCPD Station 10. Ipinagdiinan ko sa programa nila na “special operations” ang pagdakip sa akin noong Sabado.



Noong Lunes, kinilala ng aking mga manananggol na si Manash Carpio nga ang complainant ng reklamong cyberlibel sa akin. Hindi binanggit ang kanyang pangalan ng mga umarestong pulis sa akin at ikinatwiran na hindi rin nila alam. Basta may ibinabang order na hulihin ako. Binasahan ako ng Miranda Rights at pinosasan.

Kinilala rin ng aking mga manananggol batay sa nakalap na dokumento na isang nagngangalang Retrina Fuente ang umuupong hukom sa Branch 10 ng Davao City RTC at isang nagngangalang Jhopee Salvador Avancena ang City Prosecutor na lumagda upang isampa ang reklamo sa hapag ni Fuentes. Naabalita na hiningi ni NBI Director Melvin Matibag sa isang hiwalay na reklamo na palitan si Jhopee Salvador Avancena dahil siya ang pinsan umano ni Honeylet Avancena, ang common law wife ni Gongdi na kasalukuyang nakapiit sa bilangguan ng ICC sa Olanda.



Iniiwan ko sa aking mga manananggol ang pasya kung ano pa ang gagawin upang mailipat ang pagdarausan ng aking sakdal sa Metro Manila. Kahit si Mon Tulfo na laking Davao City ay walang tiwala doon. Kung hindi ibibigay, dudulog kami sa ibang forum.

***



BUMALONG ang suporta sa inyong lingkod ng iba’t ibang nilalang at organisasyon sa akin. Hindi ko akalain na marami pala akong kaibigan. Nagpahayag ng pagkabahala at suporta ang National Press Club (NPC), ang pangunahing organisasyon ng mga mamamahayag sa bansa. Gayundin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Parehong naninindigan sila sa “decriminalization” ng sakdal na libel at cyberlibel.

Pinuntahan ako si Senador Risa Hontiveros sa presinto at inalam ang aking sitwasyon. Nagulat ako at kahit ang mga pulis at bilanggo doon sa walang pasabing pagdating ng mambabatas. May mga pasaring ang ilang nilalang na hindi sapat ang katinuan sa pag-iisip na “nagtratrabaho” ako umano kay Risa upang pagandahin ang kanyang imahe publiko.

Natawa lang ako dahil hindi kailangan ni Risa ng image builder. Isa siya sa pinakamasikap at pinakamasipag na senador. Hindi niya kailangan ang magpabango sa kanyang imahe. Pinakamabisang pampabango ng imahe ng isang lingkod bayan ang pagganap sa tungkulin ng walang pag-iimbot at may kahalong integridad. Kinikilala ko ang integridad ni Risa.

Pumunta noong hapon sa presinto ang kinatawan ni Press Undersecretary Joe Torres Jr. ng Presidential Task Force on Media Security upang tingnan ang aking kalagayan. Kinagabihan, dumating mismo si Torres. Nagbigay rin ng pahayag si Torres ng pagsuporta sa malayang pamamahayag at kahalagahan ng seguridad ng bawat mamamahayag.

Hindi natatapos ang pagkilala sa mga sumuporta sa akin kung hindi ko babanggitin si Kin. Terry Ridon ng Bicol Saro Party List. Isa si Ridon sa pangkat ng mga taga-usig na ipinadala ng Camara de Representante sa impeachment trial ni Misfit Sara.

Hindi natutuwa si Cong Terry (iyan ang tawag ko sa kanya), sa hindi pantay na trato sa akin at kay Misfit. May sakdal rin si Misfit at nagpunta siya sa piskalya ng QC at naglagak ng P360,000 na piyansa matapos arestuhin siya sa sakdal na pananakot kay BBM, First Lady Liza Marcos, dating Ispiker Martin Romualdez.

Kailangan magpaliwanag ang pulis sa hindi pantay ang trato sa akin at kay Misfit, ani Ridon. Hindi ko na pahahabain ang usapin, iba ang hustisya ng mga pulis.