Advertisers

Advertisers

Bong Go sa teachers… ‘PAARALAN GAWING LIGTAS PARA SA MAG-AARAL’

0 7

Advertisers

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga guro at school officials na dapat palaging tiyakin na ang bawat paaralan ay isang ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral.

Sa kanyang pagbisita sa Antipolo City upang ipagdiwang ang World Teachers’ Day, lubos na nakiramay si Sen. Go sa pamilya ni Francis Jay Gumikib, isang Grade 5 student, na namatay matapos umanong sampalin ng kanyang guro.

“Nakikiramay po ako sa pamilya ni Francis Jay Gumikib. Nalulungkot po ako dahil dapat po ang ating paaralan ay safe environment,” ani Go sa isang panayam.



“Diyan nga po tayo nag-uumpisa, kaya nga po ang mga estudyante iniiwan natin diyan. Buong tiwala na iniiwan ng mga magulang sa loob po ng compound, sa loob ng classroom ng ating mga eskwelahan. Dapat po safe sila sa loob ng eskwelahan,” idinagdag niya.

Nanawagan si Go ng masusing imbestigasyon sa insidente.



“Antayin na lang natin ang resulta ng imbestigasyon. On top naman po ang local government, nandito po si Mayor (Casimiro Ynares III), ang ating Governor Nina Ynares na nakatutok din po dito,” anang senador.

Hinimok niya ang mga awtoridad at ang paaralan na tingnan ang mga pagkukulang sa protocol at magsagawa ng agarang imbestigasyon.



“Tingnan mabuti kung may lapses po ba sa protocol, kung kailan po ba nangyari ang sinasabing pananampal, at naimbestigahan kaagad ba ito,” ani Go.

Hiniling ni Go na huwag agad magbigay ng konklusyon hanggang hindi lumalabas ang opisyal na imbestigasyon, kabilang ang mga resulta ng awtopsiya.

Binigyang-diin niya ang papel ng mga guro sa paghubog ng karakter ng mga mag-aaral.

Bilang guro, sila ang magtuturo ng tamang asal dahil paglabas ng estudyante sa klasrum ay dala-dala niya ang natutuhan.

“Pansinin n’yo po mas nakikinig pa ang ating mga anak sa guro kaysa sa atin minsan. Kung ano ang sinasabi ni teacher ‘yun ang sinasabi niya – sabi ni Teacher ganito po,” ani Go.

Mariin niyang sinabi na dapat tiyakin ng mga guro na walang masamang mangyayari sa mga estudyante habang nasa paaralan.

“Ang ating guro po ang dapat maging halimbawa at wala pong karapatan na manakit ang isang guro sa mga estudyante. Disiplina, marami pong paraan na turuan po ng disiplina ng ating mga estudyante. Ngunit hindi po kasama diyan ang pananakit,” iginiit ng mambabatas.

Binanggit din niya na dapat tiyakin ng Department of Education (DepEd) ang impartiality sa imbestigasyon at kinakailangang lumabas ang katotohanan para mabigyan ng hustisya si Gumikib.

Si Gumikib, 14, estudyante ng Peñafrancia Spring Valley Elementary School sa Barangay Cupang, ay nagsabi sa kanyang ina na siya ay pisikal na sinaktan ng kanyang guro.

Inakusahan ang guro na hinila ang kwelyo at buhok ni Gumikib bago hinampas sa tainga. Kasunod nito, ang batang estudyante ay nakaranas ng pananakit ng tainga at pagkahilo. Dinala siya sa Amang Memorial Medical Center, kung saan lumala ang kanyang kondisyon at humantong sa kamatayan.