Advertisers
UMABOT hanggang sa bubong ng mga bahay ang baha dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Northern Samar nitong Martes, Nobyembre 21.
Base sa mga larawang ibinahagi ng netizens mula sa Catarman, Northern Samar sa Facebook post, makikita ang taas ng tubig-baha na umabot sa bubong ng ilang kabahayan, may kuha pang lagpas bubong ang baha.
Nagbahagi rin ang alkalde ng San Roque, Northern Samar na si Mayor Don Abalon sa isang Facebook post ng mga larawan ng kalagayan ng kalsada sa lugar nitong Martes, 11:20 ng umaga.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na nagdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin sa Visayas.
Samantala, nagsagawa ng rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mabilis na pagtaas ng tubig baha sa Barangay Macagtas, Catarman, Martes ng umaga.
Agad kumilos ang Coast Guard District Eastern Visayas upang mabigyan ang mga pamilya ng kaukulang tulong at masiguro ang kanilang kapakanan. (Jocelyn Domenden)