Advertisers
NASAWI ang 11 katao at 46 ang sugatan sa pagsabog ng isang bomba sa loob ng gymnasium ng Mindanao State University sa Marawi City, Linggo ng umaga.
Ayon kay Major General Gabriel Viray III, Kumander ng 1st Infantry Division, dinala sa Amai Pakpak Medical Center (APMC) ang 46 biktima, kungsaan 11 ang kumpirmadong patay at anim ang isasailalim sa operasyon, ayon narin sa hospital chief na si Dra. Pinky Rakiin.
Sa report, 7:15 ng umaga nang maganap ang pagsabog habang ginaganap ang misa sa Dimaporo Gymnasium sa MSU.
Sinabi ni Viray, nagsasagawa ng misa na dinaluhan ng mga estudyante at guro sa unang araw ng Advent nang maganap ang pagsabog.
Aniya, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga elemento ng Explosive Ordnance Disposal upang matukoy ang uri ng bomba na ginamit na mga salarin.
“As of now wala pa tayong ano, but this is a terrort act, probably the Dawlah Islamiyah Maute Group kasi nasa Lanao del Sur, pero tinitignan pa natin yung signature, bomb signature kung indeed sila,” pahayag ni Viray.
Bago ito, labing isang miyembro ng grupong terorista ang napatay sa atake ng militar sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao Biyernes ng hapon.
Itinaas naman sa hightened alert ang buong puwersa ng militar at Philippine National Police habang patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin at motibo ng pambobomba.
Ipinag-utos narin ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lahat ng districts nito ang hightend alert at magsagawa ng mga proactive measures.
Ayon kay CG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, kabilang sa proactive measures ang paigtingin ang Intel predeparture inspection ng mga barko, K9 inspecstion, sea marshals, Coastal Security Patrols at collaboration operations sa mga port authorities, shipping operators, LGUs, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNo) at iba pang law enforcement agencies. Ito’y upang masiguro ang kaligtasan ng mga manlalakbay sa dagat at maritime industry.(Mark Obleada/
Jocelyn Domenden)