Advertisers
NAPATAY ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang siyam teroristang Dawlah Islamiya sa isang engkwentro sa Barangay Dalgan, Pagalungan, Maguindanao del Sur nitong Sabado, December 9, 2023.
Walong kasapi ng MILF naman ang nasawi sa bakbakan, ayon sa pahayag nitong Lunes ni Pagalungan Vice Mayor Abdillah Mamasabulod at mga barangay kapitan sa naturang bayan, nasa tabi lang ng 220,000-ektaryang Liguasan Marsh kungsaan nagtatago ang grupong hawig sa Islamic State of Iraq at Syria (ISIS).
Nilusob ng mga kasapi ng MILF, pinangungunahan ng isang miyembro ng Bangsamoro parliament na si Akmad Abas, ang pinuno ng Eastern Mindanao Group ng naturang grupo, bilang pagtalima sa kanilang peace agreement sa pamahalaan na nag-oobliga sa magkabilang panig na magtulungan sa pagresolba ng mga problema sa seguridad ng mga lugar sa Mindanao na sakop ng naturang kasunduan.
Ayon kay Major General Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, umabot na sa kanila ang mga ulat na 9 Dawlah Islamiya ang napatay ng grupo ni Abas nang pasukin nila ang ilang lugar sa Dalgan na may mga tirahan ng mga teroristang unang tinira ng 155 Howitzer cannons ng isang Army artillery unit nitong Biyernes upang magsiyasat kung nasa lugar pa ang mga teroristang target ng naturang artillery attack.
Ayon kay Mamasabulod, pinaputukan ng mga DI terrorists ang grupo nila Abas kaya nagkaengkwentro na nagsanhi ng pagkamatay ng 9 terorista at 8 kasapi ng MILF. Limang MILF ang nasugatan sa labanan.
Ayon sa lokal na pulisya at mga kasapi ng multi-sector Pagalungan Municipal Peace and Order Council, bilang diversionary tactic, pinatay muna ng mga DI terrorists ang kapatid ng isang barangay official sa Dalgan, ang isang dalawang-taon-gulang na bata at tatlo pang residente ng naturang barangay bago tumakas dala ang mga bangkay ng mga kasamang napatay ng mga miyembro ng MILF.