Advertisers

Advertisers

Mga misis para sa inyo ito, basa! CONG. YAMSUAN: MATERNITY CASH BENEFIT NG WORKING NANAY SA INFORMAL SECTOR

0 13

Advertisers

NAGHAIN si Bicol Saro Partylist Congressman Brian Raymund Yamsuan ng panukalang batas na ang layunin ay mabigyan ng maternity cash benefit mula sa gobyerno ang mga kababaihang nagtatrabaho sa tinatawag na ‘informal sector’.

Sa panukalang batas ni Yamsuan na House Bill (HB) 10070, nakasaad na ang cash benefit para sa bawat panganganak ay katumbas ng 22 araw na minimum wage.

Halimbawa, kung ang nanganak ay nagtatrabaho sa Metro Manila na ang minimum wage sa kasalukuyan ay P610 kada araw, ang makukuha niyang maternity cash benefit ay P13,420.



“Ang ating mga working nanay sa informal sector ay hindi dapat mapag-iwanan pagdating sa pagkakaloob ng mga benepisyong dapat ay ibigay rin sa kanila. Mahalaga ang kanilang ambag sa ating ekonomiya pero tila ba napababayaan ang kanilang kalagayan,” ayon kay Yamsuan.

“Dapat ay pantay-pantay ang turing natin sa lahat ng women workers, maging sila man ay kabilang sa pormal o impormal na sektor ng ekonomiya,” diin pa ni Yamsuan.

Nai-file ni Yamsuan ang HB 10070 ngayong National Women’s Month at bago sumapit ang pagdiriwang ng International Women’s Day noong Marso 8, 2024.

Makikikinabang sa benepisyong ito, na tinutulak ni Yamsuan, ang women workers sa informal sector na hindi regular o boluntaryong miyembro ng SSS.

Kasama rito ang mga self-employed; mga freelancer; at mga no-work, no-pay tulad ng street vendors, mga nagtatrabaho sa maliliit na salon at carinderia, mga babaeng nagtatrabaho sa agrikultura, tourism sector, at music and entertainment industry.



Kapag naging batas ang bill, mahigit 6.6 milyong babaeng nagtatrabaho sa informal economy ang maaring makinabang sa maternity cash benefit na nakapaloob sa HB 10070.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang inatasan sa ilalim ng bill na magbigay ng maternity cash benefit. Ito rin ang maglalatag ng requirements para malaman kung sinu-sino ang mga kwalipikadong mabigyan ng benepisyo.

Nakasaad sa bill na kukunin ang pondo para sa maternity cash benefit mula sa kita ng gobyerno sa pagpataw ng buwis sa sweetened beverages tulad ng softdrinks; alcoholic drinks; sigarilyo at iba pang tobacco products; at heated tobacco and vapor products tulad ng vape.