Advertisers
PRAYORIDAD ni US President Joe Biden ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ang binigyang-diin ni US Secretary of State Antony Blinken matapos mag-courtesy call sa Malacañang kung saan naglatag nga ito ng matatag na commitment ng kanyang pamahalaan sa bilateral relations ng dalawang bansa.
Sinabi ni Blinken na kahit nahaharap din sila sa iba’t ibang hamon, ang engagement nila sa Indo-Pacific at alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay mahalaga pa rin at inilalarawan niya ito bilang ‘more than rock solid’ o higit pa sa matibay.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na labis niyang ikinalugod ang pagbisitang ito ni Blinken sa bansa.
Pinasalamatan din ni PBBM si Blinken para sa mga oportunidad na dala ng kanilang pulong partikular na sa usapin ng ekonomiya at seguridad.
Binanggit naman ni Blinken na si US President Biden ang nagpadala sa kanya sa Pilipinas para patatagin pa ang alyansa ng magkabilang panig.
Samantala, natalakay din sa pulong ang trilateral meeting nina PBBM, Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida na gaganapin sa Washington D. C. sa susunod na buwan.
Dito’y inaasahang mapag-uusapan ang kooperasyon ng tatlong bansa sa pagpapalago ng ekonomiya, food security, at implementasyon ng pandaigdigang batas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)