Advertisers
ISANG preso at kasabwat nito ang inaresto ng pinagsanib puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Corrections (BuCoR) matapos makuhanan ang mga ito ng shabu Martes ng umaga, Abril 9, 2024.
Kinilala ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang ang inmate na si Kerwin Mohammad Abadilla, nakakulong sa minimum security ng San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; at ang kasabwat nitong sibilyan na si Albadir Mala Ajijul alias ‘Jun-Jun”.
Sa inisyal na ulat na isinumite kay Catapang ni San Ramon Prison and Penal Farm Superintendent, Corrections Chief Inspector Vic Domingo Suyat, nadakip si Abadilla at kasabwat nito 7:00 ng umaga sa may limang ektaryang vegetable farm sa Purok 6, Sitio San Ramon, Barangay Talisayan, Zamboanga City.
Inilabas si Abadilla at ang 14 pang inmates mula sa kanilang selda para sa kanilang institutional at bilang bahagi ng reformation program ng BuCor.
Nakumpiska mula kay Abadilla at sa kasabwat nito ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu.
Ayon kay Catapang, ang pagkakadakip sa nabanggit na inmate ay bunsod narin ng memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng BuCor, PDEA at iba pang law enforcement agencies para sa synchronization operations kontra drug trafficking sa correctional, prison facilities at penal farms nasa ilalim ng pamamahala ng BuCor.
Dahil narin sa insidente, sinibak ni Catapang sa kani-kanilang puwesto ang apat na BuCor officers, CSO4 John Hicap, CO2 Jimmy Wong, CO2 Joel Broncano at CO1 Marlon Hemandez. Sasailalim ang mga ito sa imbestigasyon.(GAYNOR BONILLA)