Advertisers

Advertisers

MONTE AT BELMONTE, KAPITAL NINA ALYAS SGT LUCKY, SGT BULOY AT SGT ROY SA BURIKI!

0 1,299

Advertisers

KUNG may pinuno ng kapulisan sina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at Region 4A PNP Director BGen. Paul Kenneth Lucas na dapat nilang uriratin o dili kaya kastiguhin ay walang iba kundi ang kanyang mga top cop sa lalawigan ng Batangas at Quezon dahil sa pagpapabaya o pangungunsinte ng mga itong gamitin ang kanilang pangalan ng ilang nagpapakilalang aktibong pulis sa “madugong” operasyon ng sindikatong buriki sa Batangas, Laguna at Quezon?

Nasa tamang landas na ang higit sa 228,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni PDGen. Marbil kung walang umuugong na katulad ng ganitong alingasngas na ang pangalan pa naman ng mga klasipikadong third level officer ang sumasabit tulad nina Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte at Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte?

Kailangang tutukan at linawin nina PDGen. Marbil at RD4A Gen. Lucas kung ginagamit nga ng walang kamalay-malay ang mga pangalan nina Col. Belmonte at Col. Monte ng mga sindikatong nasa likod ng malaganap na nakawan ng petroleum at oil product sa kani kanilang hurisdiksyon o tunay ang ipinangangalandakan ng mga buriki operator na sina alyas Sgt Lucky aka Lakatan at alyas Sgt Buloy ng Batangas at Sgt Roy na nag-ooperate sa Laguna at Quezon na may kinalaman ang dalawang PDs sa mga katarantaduhan na pinaggagawa ng mga nabanggit na mga police sergeant ng PNP R4A?



Mga klasipikadong police third officer sina Col. Belmonte at Col. Monte, mga opisyales na sa ilalim ng pamumuno noon ni ex-PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ay naging tampok din sa mga kontrobersya at pagbatikos dahil sa hinalang nakikipagkutsabahan ang ilan sa mga ito sa sindikato na sangkot sa kalakalan ng droga.

Pakilala ng mga ilegalistang sina Sgt Lucky aka Lakatan, Sgt Buloy at Sgt Roy ay mga aktibo silang miyembro ng PNP Region 4A sa ilalim ng command ni BGen. Lucas. Ipinagbabanduhan pa ng mga itong kasosyo nila at kapitalista sina Col. Belmonte at Col. Monte sa kanilang labag sa batas na negosyo na itinuturing pa nga na uri ng economic sabotage? Marami na ding mga madugo at brutal na krimen ang naganap na sa CALABARZON area na sangkot ang miyembro ng sindikatong buriki at ang naging mitsa ay ang agawan sa pagpapatakbo ng burikian.



Si alyas Sgt Lucky aka Lakatan bagamat ang pakilala ay pulis ay isang operator ng mga burikian sa By Pass Road ng Brgy. Dalig malapit sa boundary ng Brgy. Sampaga, Batangas City. May paihian din sa Brgy. Buli, sa bayan ni Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado si alyas Sgt Lucky aka Lakatan, kasosyo naman nito ang magkalaguyong kapwa vice mayor sa Batangas. Gamit na drug den pa ng armado ng .45 na pistola at Armalite Rifle na si Sgt Lucky aka Lakatan ang kanyang mga kuta ng burikian pagkat imbakan at nagbebenta pa ito doon ng shabu.

Malaki din ang naging papel ng dalawang korap at imoral na bise alkalde kaya’t nakapag-ooperate ng pulido at walang sagwil ng mga burikian ni Sgt Lucky aka Lakatan sa Brgy. Dalig, Batangas City at sa Brgy. Buli ng bayan ng Taal kahit malapit ito sa Buli Elementary School at Jollibee Food House na nasa area of responsibility (AOR) ni Taal Police Chief Capt. Rommel Magno.



Ang pangalan din ni Col. Belmonte ang pinalulutang ni alyas Sgt. Buloy na isa sa kanyang dalawang police colonel na padrino, protektor at kapitalista, kaya garapalan man ang operasyon ng burikian ng gasolina, krudo at maging ng gasolina ng eroplano na A1 Jet Fuel nito malapit sa PPA main office at ilang metro lamang mula sa main gate ng Batangas City Port, Brgy. Sta. Clara, Batangas City ay hindi ito tinitinag ni Batangas City Police Chief LtCol. Jephte F. Banderado?

Sa loob din ng Batangas City Port naroroon ang illegal terminal ng mahigit sa 500 colorum van na pinamamahalaan ni alyas Sgt Buloy at gamit na paradahan ay ang pag-aari ng gobyerno na PPA parking area. Kinokolektahan ng grupo ni alyas Sgt Buloy ng Php 800 na “butaw” ang mga driver ng colorum van bawat byahe. Sa buong CALABARZON area ay hindi kukulangin sa Php 8 milyon ang kolektong na “butaw” ng mga nagpapatakbo ng may 5,000 colorum o walang prangkisa na passenger van at ng illegal terminal ng sindikato na kinabibilangan din ng pulis na isang Corporal Luisa at hoodlum na sina Alakdan at Toto ng bayan ng Lemery, Batangas na malinaw na uri ng tong collection.

Sa bulsa ng ilang korap na opisyales ng PPA, BOC, R4A Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Regulatory Board (LTFRB), National Bureau of Investigation (NBI), at mga tanggapan ng Batangas Provincial Police at Batangas City City Police bukod pa sa mga tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) napupunta ang mas malaking bahagi ng mga “butaw” na kinokolekta nina Sgt Buloy, Cpl. Luisa, Alakdan at Toto.

Si alyas Sgt Roy naman ay siyang matunog at notorious na operator ng mga burikian sa Brgy. Saimsim, tapat ng Yakult Philippines sa Calamba City, Laguna, Brgy. San Isidro, at Brgy. Malabanban Sur, parehong sa bayan ng Candelaria at Brgy. Lumingon sa munisipalidad ng Tiaong. Pawang sakop ng lalawigan ni Gov. Angelina “Helen” Tan.

Hindi naman naniniwala ang inyong lingkod na kasosyo, padreno at financier nga sina Col. Belmonte at Col. Monte ng mga naturang ilegalista.

Bukod sa mga burikian nina Sgt Lucky aka Lakatan, Sgt Buloy at Sgt Roy ay may mga burikian din sina Ed at Rico sa Brgy. Bulihan sa bayan ng Malvar, Batangas, Bong sa likod ng Roadside Inn, Brgy. Isabang; Troy sa Brgy. Salinas, parehong sa Lucena City at Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis sa bayan ng Guinyangan, pawang sa lalawigan ni Quezon Gov. Tan, Brgy. Paciano, Calamba City na may dalawang burikian si alyas Ador at sa Silangan Exit sa Cabuyao City.

Matagal nang nag-ooperate sa mga nabanggit na siyudad at bayan ang burikian nina Sgt Lucky aka Lakatan, Sgt Buloy at Sgt Roy, ngunit hindi naman ipinaaresto ang mga ito at ang kanilang mga alipores ng mga hepe ng kapulisan nina Col. Belmonte at Col. Monte. Saan kaya nanghihiram ng kapal ng mukha ang ilang hepe ng kapulisan nina PD Belmonte at PD Monte sa di pagtugon sa kanilang mandato? May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144