Advertisers
Sugatan ang dalawang lalaki nang masunog ang isang bahay mula sa baga ng welding sa Pandacan, Maynila nitong Huwebes.
Sa ulat, nagsimula ang sunog 11:00 ng umaga sa Barangay 867 sa Pandacan, Maynila na iniakyat lamang sa unang alarma.
Ayon sa biktima na si Jomar Luis, may inaayos siya sa bubong ng bahay gamit ang welding nang matalsikan ng baga ang isang foam.
Sinubukan pa niyang apulahin ang sunog pero lumaki na ang apoy.
Ayon pa kay Luis, nang mapansin niyang natalsikan ng baga ang foam agad niyang pinatanggal at sinubukang patayin ang apoy ngunit hindi na kinaya pa.
Nagtamo rin siya ng hiwa sa noo at nalapnos ang kanan niyang balikat kaya agad siyang binigyan ng paunang lunas ng fire volunteers.
Sinabi naman ni SFO4 Joel Jacinto, Substation Commander ng Sta. Ana Fire Station, wala namang nadamay na ibang kabahayan dahil naagapan din ang sunog.
Tumagal lamang ng 20 minuto ang sunog at agad itong naapula.
Inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala at ang pinagmulan ng sunog. (Jocelyn Domenden)