Advertisers
SISIKAPIN ng pamahalaan na matapos sa lalong madaling panahon ang pag-aaral sa posibleng pagtataas sa sweldo ng mga kawani ng gobyerno.
Pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), nagpapatuloy ang compensation and benefits study para sa posibleng salary adjustment.
Ayon sa ahensya, target nitong isapinal ang pag-aaral bago matapos ang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Sa kasalukuyan, ayon sa DBM, masusi pang binubusisi ang iba’t ibang aspeto na may kinalaman dito gaya ng halaga ng taas-sahod, mga benepisyo, at allowances na makukuha ng isang kawani.
Maliban dito, nakikipag-ugnayan din ang agensya sa pribadong sektor upang makapagtatag ng patas na pay structure na makapagpapataas din sa produtivity ng mga empleyado ng gobyerno, habang isinasaalang-alang ang magiging epekto ng inflation.
Sakaling maisapinal ito, agad na ipipresenta ang panukala sa itinalagang consultant sa Department of Budget and Management at Governance Commission for GOCCs (GCG).
Kasabay nito, siniguro naman ng DBM na hahanapan nila ng pondo ang wage hike ng mga empleyado ng pamahalaan sakaling makalusot ito. (Gilbert Perdez)