Advertisers
Nakipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Department of Labor and Employment (DOLE) para ilunsad ang “JobStart,” isang programa na naglalayong magbigay ng career coaching, life skills, at technical training para sa mga kabataan.
May kabuuang 50 benepisyaryo ang napili ng pamahalaang lungsod para simulan ang nasabing pagsasanay kung saan tatanggap sila ng halagang P400 araw-araw.
Ayon kay Mayor Along, layunin din ng nasabing programa na makapagbigay ng head-start para sa mga benepisyaryo, lalo na sa mga nagbabalak na magtrabaho sa mahabang panahon, maging sa corporate o government set-up.
“Layunin din ng nasabing programa na magbigay ng oportunidad para sa ating mga kabataan, na magkaroon sila ng pagsasanay at karanasan sa pagtratrabaho,” wika ni Along.
“Magagamit nila ang kanilang mga natutunan upang maging empleyadong empleyado, sa pribado ng organisasyon o sa gobyerno. Nais natin na maging ‘fully-equipped’ ang ating mga fresh grads, maging ang mga out-of-school youth sa kanilang mga kakaharapin sa pagbuo ng kami-kanilang career,” dagdag ni Mayor Malapitan.
Ang nasabing pagsasanay ay inaasahang tatagal ng 10 araw, inihahanda ang mga benepisyaryo sa integrasyon sa lugar ng trabaho at ire-refer sila sa mga potensyal na employer.
Hinihikayat din ng Public Employment Service Office ang mga interesadong mag-aplay na bisitahin ang kanilang mga opisina: 6/F Caloocan City Hall-South at 3/F Caloocan City Hall-North.(BR)