Advertisers

Advertisers

Lalaking Chinese, nagbaril sa sarili habang inaaresto, 3 pang Chinese murder suspects nahuli ng BI sa Pampanga

0 37

Advertisers

ISANG Chinese national na miyembro umano ng kidnap gang at nambibiktima ng mga dayuhan sa Central Luzon ang nasawi matapos magbaril sa sarili habang ang tatlo pa nitong mga kababayan ay inaresto sa isang operation sa Pampanga nitong Biyernes, ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI).

ANG tatlong Chinese nationals na sinasabing kasabwat ng nasawi sa mga kidnap operations nito matapos maaresto ng mga ahente ng BI sa isang operations. (JERRY S. TAN)

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang insidente ay naganap sa loob ng isang condominium building sa Angeles City kung saan sinalakay ng team ng BI- fugitive search unit na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy ang mga suspects sa kanilang unit para arestuhin dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.



Sinabi ni Tansingco na sa halip na sumuko, ang mga dayuhan ay nagpulasan sa pagtatangkang tumakas kaya naman hinabol sila ng mga operatiba ng BI.

Agad din namang nahuli ng mga humabol na mga ahente ang dalawang suspek na kinilalang sina Feng Zhengheng, 29, at Chou Yibo, 33. Gayunman, isang kasamahan nila na kinilalang si Wu Fu Wen, 35, ay tumangging sumuko at sa halip ay nagbaril sa sarili na kaagad din nitong ikinamatay.



Inaresto rin ang isang overstaying Chinese woman, na kinilalang si Wang Yan, 25, matapos na makita siya ng arresting team sa lugar kung saan isinagawa ang operation.

Ayon kay Tansingco, ang mga nasabing Chinese nationals ay pangunahing suspects sa pagpatay ng siyam na dayuhan, kung saan ang mga bangkay ay itinapon na lang sa iba’t-ibang lugar sa Pampanga noong mga nakaraang buwan. Anim sa pinaslang ay mga Chinese nationals habang ang tatlong iba pa ay mula sa Vietnam, Malaysia at Japan.



Sinabi ni Tansingco na ang mga inarestong Chinese nationals ay sasampahan ng deportation cases dahil overstaying na sila base sa kanilang tourist visas.

Nabatid na ang tatlo sa mga suspek ay dumating sa Pilipinas noong 2019 at hindi na umalis pa. Hindi rin sila nag-apply para sa extension ng kanilang pamamalagi sa bansa.

“They will remain in our detention facility until the criminal cases filed against them are resolved by the court as they will also be facing deportation charges,” pahayag pa ng BI chief. (JERRY S. TAN)