Advertisers
Manggagawa ikaw ang lumilikha ng yaman ng bansa ngunit hindi pansin ng pamahalaan ang ambag na bangit sa ‘di batid na kadahilan. Dugo at pawis ang puhunan sa pagawaan upang maibahagi sa bansa ang buwis na ‘di nasusuklian ng tamang pag-aalaga mula sa mga malalaking negosyo maging sa nagpapatakbo ng serbisyo ng gobyerno. At kung may usapin, nariyan na itinataboy at hindi dinidinig ang dinudulog dahil sa ambag na kakarampot kuno gayong tuwiran na inaawas sa buwanang sahod. Hindi nag-aatubili o walang pagtutol ang bawat manggagawa sa ambag dahil sa pag-ibig sa lupang tinubuan nang tumakbo ng may kagalingan ang serbisyo para sa higit na nangangailangan. Ang pag-ibig sa tinubuang lupa’y hindi naghahanap ng kapalit sa pamahalaang bulag sa kanilang kalagayan na kulang na kulang ang sahod na tinatanggap.
Matagal na panahon ng napabayaan ang hanay ng manggagawa sa dami ng mga usaping bayan. O’ sadyang hindi pangunahing ang kalagayan ng manggagawa sa halip ito’y tago sa baul sa maling pananaw na gastos sa halip na kita. Gastos dahil bayarin ang lakas at ‘di tanaw ang produksyong na nagpapayaman sa mamumuhunan. Sa pagyaman ng mga negosyante, tinatanawan na karibal ang manggagawa sa halip na katuwang sa dahilang paghingi ng umento sa sahod kapalit sa ambag sa produksyon na nagpapalayo sa kalagayang pangkabuhayan.
Walang natala sa kasaysayan na may yumaman na manggagawa dahil sa pagpapagal sa gawain sa pagawaan. Nariyan na kahit manilimnilim pa’y humahangos patungo sa pabrika ng matiyak na nasa tamang oras sa umpisa ng paggawa. At ang nakakalungkot, ang pagtaya ng pamahalaan na sapat ang P64.00 at masasabing hindi mahirap ang Pinoy na gumagastos ng banggit na halaga bilang panustos sa isang araw na pagkain. Saang planeta nakatira ang taga National Economic Development Authority (NEDA), na bangit ang nasabing halaga. Samantala, kung humingi ng umento sa sahod nakaprograma sa apat na taon, hayahay ang buhay.. nanyo.
Sa NEDA, napansin ba ang paghirap ng pangangalap ng mga manggagawa sa negosyo ng konstruksyon dahil sa kilos ng Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) sa labis na pagkiling sa mga kompanya na nagbabagsak hanap buhay ng maraming tsuper. Hindi lang iyon, ang napakaraming Pinoy na natutuhang magmotor ay nariyan na at namamasada sa kakalsadahan na tila dikya na konting kibot nakadikit sa ibang sasakyan na todo ang iwas para ‘di masanggi. Sa pagdami ng mga pumapasadang kotse, motor at iba pa, nahihirapan ang negosyo sa konstraksyon na mangalap ng trabahador kahit sa kanayunan. Walang pagkakaiba ang kalagayan sa kanayunan at kalunsuran sa usapin ng pamamasada ng motor. Ang mga manggagawa’y pinipili ang pamamasada sa halip na magpala ng semento sa konstraksyon. Tapos na ang panahon ng Lipi ng Mangmang, baka ibig silipin kalihim Jimmy.
Ang lumalagong ekonomiya kuno’y nasa isip lang ng nasa pamahalaan dahil at ‘di pansin ang maraming naglalabasan manggagawa patungo sa ibang bansa ng kumita ng mataas kumpara sa natatangap sa bansa. May mga petisyon sa pagtaas ng sahod subalit sa inilabas na pahayag ng Kalihim ng NEDA na hindi mahirap ang Pinoy na tumutustos ng P64.00 sa isang araw na pagkain, hayun maraming negosyante na naniniwala at ‘di na ibig makipag-usap sa mga unyon hinggil sa pagtaas ng sahod. Ang NEDA ang nagpako sa umentong hinihingi para sa maayos na buhay at kabuhayan ng mga manggagawa.
Hindi nagsasara ng pinto para sa diyalogo subalit umaasa na makikita ang halaga ng manggagawa sa lipunan na ginagalawan. Sa totoo lang, ibig ipaabot na kailangan na bantayan ang dumadaming paglisan ng mga manggagawang propesyonal tulad ng gurong Pinoy na ibig magtutungo sa ibang bahagi ng mundo para sa mataas na sahod. Titiisin ang mawalay sa pamilya’t anak upang kumita ng disente at matustusan ang pangangailangan higit ang pagkain at pag-aaral ng anak. Sa liit ng sahod na tinatanggap sa bansa, marami ang nagbabakasakali na maghanap buhay sa ibang bayan upang mapataas ang sahod na pantustos sa tahanan. Ang masakit walang pagkilos ang pamahalaan upang pigilan ang pag-alis ng maraming propesyunal. At ang NEDA’y naglabas ng mapanlinlang na pahayag na hindi pangmahirap ang kumain sa halagang P64.00. Sino ang maniniwala sa gayung pahayag kung hindi bumababa ang halaga ng bigas sa merkado, ‘di bumababa pamasahe at hindi nauumentuhan ang mga manggagawa. At sa ngalan ng rest and recreation ng mga opisyales at kawani ng pamahalaan ang tuwiran ang tustusin ng bayan.
Maraming pag-aaral sa kasalukuyan na labis ang pagbaba ng maraming propesyunal na hanap sa ibang lugar sa mundo. Ito na ba ang panahon ng pagka bangkarote sa maraming larangan sa kaalaman dahil sa kawalan ng oportunidad sa bansa. Ang mga bilang na bangit ni Jun Singhot sa SONA’y tunay na mapanlinlang dahil hindi umuunlad ang buhay ng nakakarami. Hindi dama ng karaniwang Pinoy ang pag-unlad higit kung ito’y umaasa sa ayuda na pinamamahagi ng mga politiko para ‘di malimutan. Batid ni Mang Juan na galing sa kanya ang ayuda ngunit kailangan tangapin dahil sa laman tiyan din. Ang mapunuan ang pangangailangan kahit panandalian ay sapat na para sa kasalukuyan. Ang makasama ang pamilya sa hapag ang pinaka-iibig sa likod ng kawalan ng pamilya.
Sa hirap ng buhay ang pangingibang bansa ang kasalukuyang tugon o sagot sa ‘di umuunlad na kabuhayan ng mamamayan. Hindi maamin ng pamahalaan ang kabiguan sa pagpapataas ng kabuhayan ng Pinoy higit ng mga manggagawa. Ang ‘di maproteksyunan na kalidad ng buhay ng Pinoy ang katotohanan na tumutusok sa puso ng magulang na walang magawa kundi ang pagsang-ayon sa ibig ng anak na mangibang bansa. Ang kawalan ng oportunidad sa pag-hahanap buhay ang larawan ng tunay na sitwasyon sa bansa. Ang lumalayong agwat ng mahirap at ang pagkawala ng gitnang uri ang patunay na bigo ang pamahalaan na palaguin ang kabuhayan sa bansa. Ang mga numerong bangit ng mga economic managers ay isang papogi at walang laman kung si Mang Juan ang tatanungin.
Panghuli, ang protektahan ang manggagawa higit ang mga anak na nag-aalisan sa bansa’y ang tamang hakbang na magagawa ng pamahalaan para sa serbisyong tama. Hindi umaasa na sa darating na mga taon na uunlad ang bansa higit sa uri ng pamamahala na una ang sarili bago ang bayan. Protektahan ang mga manggagawang Pinoy sa labas ng bansa ng maibsan ang pangamba ng magulang sa anak na nagbabakasakali sa ibang bayan.
Maraming Salamat po!!!!