Advertisers
ANIM na dayuhang kinabibilangan ng limang Chinese nationals na pawang wanted sa kanilang bansa ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI).
Unang nadakip ang apat na Chinese nationals ng mga tauhan ng BI fugitive search unit (FSU) na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy, sina Wei Hanbing, 33; Wang Bo, 32; Wang Zhaoshan, 37 at Guo Dong, 26..
Ayon sa BI, si Wei Hanbing ay pinaghahanap ng batas kaugnay ng krimen na may kinalaman sa iligal na kita habang sina Wang Bo at Wang Zhaoshan ay pinaghahanap para sa pandaraya, samantalang pinaghahanap si Guo Dong dahil sa ilegal na negosyo.
Ang mga nasabing banyaga ay kabilang sa mga inaresto ng pulisya sa isang raid sa isang hinihinalang crypto-currency investment at love scam hub sa Parañaque City noong Agosto 22, 2024, na nago-operate umano bilang isang lisensyadong offshore gaming operator upang itago ang tunay na iligal na aktibidad.
Sa hiwalay na operasyon ay dalawa pang dayuhan ang nadakip ng FSU na kinilalang sina Wu Hsih Hsu, 53, isang Taiwanese national, noong Setyembre 5 sa BI head office sa Intramuros, Manila.
Si Wu ay isang ‘undesirable alien’ matapos matanggap ng BI ang impormasyon mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas na mayroon itong warrant of arrest dahil sa kasong rape sa Taiwan court noong 2005, bukod pa sa ito ay ‘overstaying’ nang mahigit 20 taon.
Nitong Setyembre 8 ay nadakip din ng FSU agents ang isa pang Chinese national na si Zhang Xi, 38, sa Parañaque City. Ito ay wanted sa Chinese government at Interpol. (JERRY S. TAN)