Advertisers
KUNG sino man ang protektor na police o kaya ay barangay official ng binabansagang “Paihi King Rico” ay tiyak na mananagot kay Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha. Hindi lamang masisibak sa pwesto ngunit malamang na ipatapon pa ng butihing alkalde hindi lamang mula sa Batangas City kundi sa labas ng Region 4A ang mga pulis na “katoktukang kuwago” ni alyas Rico Mendoza.
Mahigit tatlong buwan nang nag-ooperate ng paihian/burikian ng produktong petrolyo sa kahabaan ng Bypass Road, Brgy. Banaba South ng naturang lungsod si alyas Rico at mga armadong alipores nito.
Bawat dumadaan na tanker truck sa mga highway sa Batangas City lalo na sa Diversion at Bypass Road sa barangay ng Banaba South at kanugnog nitong mga barangay Balagtas, Bolbok, Sta. Rita, Sampaga, Dumuclay, Alangilan at iba pang malalaking lansangan ay ipinahaharang nito at kinumkumbinseng sa kanilang kuta na lamang “magsulong” o magbenta ang mga driver at helper ng ninanakaw na kargamentong gasolina, krudo, gas at maging Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Kapag hindi nakuha sa “santong dasalan” o pang eengganyo ay tinatakot na papatayin o may masamang mangyayari sa mga pobreng truck hauler at helper. Dahil sa banta, kasabay ng panghihikayat na dagdag na presyo sa pagbili ng nakaw na produktong petrolyo sa mga driver at helper ay napipilitang “makisama” at idaan sa nababakurang kuta nina alyas Rico sa barangay na sakop ni Chairwoman Estrella Que.
Masyado namang inutil si Kapitana Estrella at ang kanyang pitong mga kagawad kung hindi nila natutunugan ang nagaganap na pagnanakaw ng grupo nina alyas Rico sa sakop nilang barangay. Ang nakakadismaya ay doon na din “bumabatak” ng shabu at nagbebenta pa ng nasabing ilegal na droga ang mga “bangag” na mga tauhan ni alyas Rico.
Nalantad ang operasyon ng naturang paihian na mayroon pang shabuhan kasunod ng pagsisiwalat ng grupo ng anti-crime and vice crusaders sa SIKRETA tungkol sa naturang ilegal na aktibidad. Agad naman nagpadala ng photographer ng PTF sa Brgy. Banaba South at nakunan ng litrato ang mga nakaparadang tanker truck at dambuhalang sasakyan sa kuta ng paihian/ burikian ni alyas Rico.
Nadiskubre din na pinanakawan ni alyas Rico at ng mga kakutsaba nitong tsuper at helper ng hindi bababa sa 1,000 litro ng produktong petrolyo kada behikulo at pagkatapos pagnakawan ay hinahaluan ang nabawasang petrolyo ng Methanol upang hindi mahalatang ninakawan ang kargamento ng mga truck.
Ayon sa ating insider, kasunod ng pagbubunyag sa kabalbalang ito na matagal ng nangyayari sa Brgy. Banaba South ay inatasan ng pamunuan ng PNP na supilin ang operasyon nina alyas Rico.
Ngunit sa halip na sundin ang atas na arestuhin, patigilin at gibain ang nababakurang kuta ni alyas Rico ay kinausap lamang ito (Rico) ng mga police operatives at pinagsabihang sa dakong gabi na lamang ang mga ito magburiki, magpaihi, magpatulo ng diesel, gasolina at gas at magpasingaw ng LPG. Nanatili pa ding nakatayo ang nabababakuran ng yero na paihian/burikian sa Brgy. Banaba South Bypass Road. Ating ilalantad ang mga bagong litrato na kuha ng ating photographer, katunayan na buhay na buhay pa rin ang paihian/burikian ni alyas Rico sa barangay ni Kapitana Estrella!
Pagkagat ng dilim ay nakapila na ang mga tanker, capsule at mga truck na dinadala ng mga kasapakat na driver at helper sa kuta ni alyas Rico na natatanuran ng armado ng baril na mga sibilyan at mga unipormadong pulis. May nakaposte ding mobil car lalo na sa pagitan ng alas 8:00 ng gabi hanggang madaling araw habang ratsada ang pagnanakaw ng grupo ni alyas Rico.
Ayaw na ayaw sa operasyon ng paihi/buriki at kahit anumang uri ng illegal activity ni Mayora Dimacuha sa Batangas City. In fairness naman kay Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr. ay nag-utos na daw itong sawatain ang operasyon nina Alyas Rico. Ngunit sa takbo ng pangyayari ay mukhang “pinaikutan” at “nanegosyo” lamang ito ng kanilang mga operatiba.
Dapat uriratin ni Col. Malinao Jr. si LtCol. Banderado kung bakit hindi nito sinunod ang kanyang “stop order”? Mahirap nang abutin sila ng indulto kapag nakarating sa kaalaman nina DILG Sec. Abalos, PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas ang wala sa ayos na diskarteng ito ng ilang mga pulis sa Batangas City at Batangas PPO? May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144